Ebanghelyo: Mateo 18:21-19:1
Nagtanong si Pedro: “Panginoon, gaano kadalas ko naman dapat patawarin ang mga pagkukulang ng aking kapatid? Pitong beses ba? Sumagot si Jesus: “Hindi, hindi pitong beses kundi pitumpu’t beses. Tungkol sa Kaharian ng Langit ang kasaysayang ito. Isang hari ang nagpasyang pagbayarin ng utang ang kanyang mga utusan. Nang simulan niyang suriin ang kuwenta, iniharap sa kanya ang isang may utang ng sampung libong baretang ginto. Dahil walang maibayad sa kanya ang tao, iniutos ng panginoon na ipagbili at maging alipin siya kasama ng kanyang asawa, mga anak at mga ari-arian bilang bayad utang. At nagpatirapa naman sa paanan ng hari ang opisyal at sinabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.’ Naawa sa kanya ang hari at hindi lamang siya pinalaya kundi kinansela pa ang kanyang utang. Pagkaalis ng opisyal na ito, nasalubong niya ang isa sa kanyang na mga kasamahan na may utang namang sandaang barya sa kanya. Sinunggaban niya ito sa leeg at halos sakalin habang sumisigaw ng ‘Bayaran mo ang utang mo! Nagpatirapa sa paanan niya ang kanyang kasamahan at nagsabi: Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko sa iyo. Ngunit tumanggi siya at ipinakulong ito hanggang makabayad ng utang. Labis na nalungkot ang iba nilang kapwa-lingkod nang makita ang nangyari. Kaya pinuntahan nila ang kanilang panginoon at ibinalita ang buong pangyayari. Masamang utusan, pinatawad ko ang lahat mong utang nang makiusap ka sa akin. Di ba dapat ay naawa ka rin sa iyong kasamahan gaya ng pagkaawa ko sa iyo? Galit na galit ang panginoon kaya ibinigay niya ang kanyang utusan sa mga tagapaghirap hanggang mabayaran nito ang lahat ng utang. “Ganito rin ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa Langit kung hindi patatawarin ng bawat isa sa inyo mula sa puso ang kanyang kapatid. Nang tapos na si Jesus sa mga aral na ito, umalis siya sa Galilea at pumunta sa probinsiya ng Judea sa kabilang ibayo ng Ilog Jordan.
Pagninilay:
Habang nagdarasal ako at nag-eenjoy sa ganda ng kalikasan noong kami’y nag-retreat, naisip kong napakaraming mga tao ang nagdurusa dahil sa pag-aaway at digmaan. Bakit nga ba? Dahil sa kompetisyon, mga alitan, pagka-makasarili, pagkakaiba ng paniniwala, at tunggalian sa kapangyarihan. Alam n’yo, pwede raw iwasan ito. Sabi ni Pope Francis, “Gaano karaming pagdurusa, mga sugat, mga digmaan ang maiiwasan kung mamumuhay tayo sa pagpapatawad at habag! Kahit sa mga pamilya. Ilang pamilya ang hindi nagkakaisa, at hindi marunong magpatawad at may sama ng loob sa isa’t isa. Kailangang ilapat ang maawaing pagmamahal sa lahat ng ugnayan ng tao: sa pagitan ng mag-asawa, sa pagitan ng mga magulang at mga anak, sa loob ng ating mga komunidad, sa Simbahan at gayundin sa lipunan at pulitika.” Mahirap magpatawad kasi kahit na gusto mo nang magpatawad, paulit-ulit na buma-balik ang sama ng loob. Hindi nating magagawang magpatawad ng isahan lang kundi tuluy-tuloy, laban sa sama ng loob at poot na bumabalik. Tinutulungan tayo ng Mabuting Balita ngayon na maintindihan ang dinarasal natin: “At patawarin mo kami sa aming mga sala, para ng pagpapatawad namin sa nagkakasala sa amin.” Hindi natin mahihiling ang kapatawaran ng Diyos kung hindi tayo magpapa-tawad sa ating kapwa. Ito ay isang kondisyon. Kung hindi tayo magsisikap na magpa-tawad at magmahal, hindi rin tayo patatawarin at mamahalin. Kapanalig, sino ang naghihintay ng iyong patawad at pagmamahal ngayon?