Lk 21:12-19
Sinabi ni Jesus sa kanyang nga alagad: Bago sumapit ang lahat ng ito, dadakipin kayo at uusugin; ibibigay kayo sa mga sinagoga at dadalhin sa mga kulungan at ihaharap sa mga hari at mga gobernador dahil sa aking pangalan. Sasapit ito sa inyo para makapagpatotoo kayo sa akin.
“Isaisip n 'yo na huwag ikabalisa ang pagtatanggol sa inyong sarili dahil ako mismo ang magbibigay sa inyo ng mga salita at karunungang hindi matatagalan o masasagot ng lahat n'yong kaaway.
Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan, at papatayin nila ang ilan sa inyo. At kamumuhian kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Ngunit hindi maano isa mang buhok sa inyong ulo. Sa inyong pagpapakatatag, ang mga sarili n'yo mismo ang inyong makakamit.”
PAGNINILAY
Sa unang pandinig tila hindi Mabuting Balita ang mensahe sa’tin ng ebanghelyo. Biruin mo, “Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan, at papatayin nila ang ilan sa inyo. At kamumuhian kayo ng lahat dahil sa pangalan ng Panginoon.” Marahil itatanong ninyo, ganito ba ang mangyayari kapag sumunod tayo sa Panginoon? Mas mabuti pa palang huwag na lang sumunod sa Kanya. Mga kapatid, huwag sanang maging literal ang pag-unawa natin sa ebanghelyong ating narinig. Sa halip, unawain natin ito sa konteksto ng komunidad kung saan at kailan ito sinulat; at kung ano ang dahilan ni San Lukas sa pagsulat nito. Malinaw na ang ebanghelyo ngayon, mensahe ni Jesus para sa mga alagad. Sinabi Niya sa kanila na bago mangyari ang “katapusan” ng Templo ng Jerusalem, dadaan muna sila sa mga pag-uusig ng mga Judio at mga pagano. Makikita natin sa kasaysayan ng Simbahan na pinarusahan at pinapatay ang mga tagasunod ni Jesus. Pero sa gitna ng mga pagsubok, hindi dapat matakot ang mga Kristiyano kung paano nila ipagtatanggol ang kanilang sarili. Pangako ni Jesus na hindi Niya sila pababayaan. Bibigyan sila ng galing ng pananalita at talino upang lituhin ang mga kaaway at maipagtanggol nila ang kanilang sarili nang buong tapang at galing. Sa panahon natin ngayon, ilan bang mga Kristiyano ang pinaslang dahil nanindigan sila laban sa korupsyon, sa illegal na pagtotroso at pagmimina, at sa sindikato ng droga? At ilan namang Kristiyano ang “nagnanakaw” sa kaban ng bayan at “nagsasamantala sa kapwa? Hindi man nabigyan ng katarungan ang mga nagbuwis ng buhay para panindigan kung ano ang tama, tiyak na gagantimpalaan sila ng Diyos sa kanilang mabuting ginawa.