Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Agosto 17, 2025 – Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)

Ebanghelyo: Lucas 12:49-53

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Dumating ako upang maghagis ng apoy sa lupa, at ganoon na lamang ang pagnanais kong magliyab na sana ito! Ngunit dapat akong mabinyagan ng isang binyag, at ganoon na lamang ang pagkabalisa ko hanggang hindi ito nagaganap! Sa akala ba ninyo’y dumating ako para magbigay ng kapayapaan sa lupa? Hindi, sinasabi ko sa inyo, kundi paghihiwa-hiwalay! Sapagkat mula ngayo’y magkakahati-hati ang limang nasa isang sambayanan, tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo; magkakahati-hati sila; ama laban sa anak na lalaki at anak na lalaki laban sa ama, ina laban sa anak na babae at anak na babae laban sa ina, biyenang babae laban sa kanyang manugang na babae at manugang na babae laban sa biyenang babae.”

Pagninilay:

Isa sa mga titulo ng ating Panginoong Hesukristo ay Prinsipe ng Kapayapaan. Pero bakit sinabi niya sa ating Ebanghelyo ngayon: ”….Akala ba ninyo’y pumarito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo: hindi kapayapaan kundi pagkakabaha-bahagi.” Mukhang taliwas yata ang Hesus na ito sa pagkakilala natin sa kanya bilang Prinsipe ng Kapayapaan.

Mga kapanalig, pinapaalalahanan tayo ng ating Panginoong Hesukristo na hindi lahat ng tao kaya siyang tanggapin bilang Panginoong Diyos. May mga taong pipigilan tayo sa pagsunod sa kanya, at minsan ang mga taong pipigil sa atin ay mga kapamilya pa natin. Sinabi ni Hesus: ”Maglalaban-laban ang ama at ang anak na lalaki, ang ina at ang anak na babae, at gayundin ang biyenang babae at manugang na babae.”

Naalala ko tuloy ang ibinahagi sa akin ng kaibigan kong madre. Sabi niya hindi naging madali ang kanyang desisyon na sumunod kay Hesus sa pagiging madre. Noong nagpaalam siya sa kanyang mga magulang na gusto niyang pumasok sa kumbento, sumagot sila: ”Kapag nagmadre ka, ituturing ka na naming patay at wala kang matatanggap kahit ano mang mana!”    

Mga kapanalig, maaring may mga taong pipigilan tayo sa pagsunod natin kay Hesus. Tandaan natin na ang pagsunod kay Hesus ay hindi ibig sabihin ligtas na tayo sa mga pag-uusig. Ngunit, kapag sumunod tayo kay Hesus, ihanda natin ang ating mga sarili sa mga pagsubok. Pero kung susunod tayo kay Hesus, makakaranas tayo ng tunay na kapayapaan kahit sa gitna ng kaguluhan. Ang kapayapaan na ito ay hindi kayang ibigay sa atin ng mundo kundi si Hesus lamang. Tunay ngang si Hesus ang Prinsipe ng Kapayapaan.