Ebanghelyo: Mateo 24:42-51
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Magbantay kayo sapagkat hindi n’yo alam ang araw ng pagdating ng inyong Panginoon. Isipin n’yo ito: Kung alam ng may-ari ng bahay kung anong oras ng gabi darating ang magnanakaw, magbabantay s’ya at hindi pababayaang pasukin ang bahay. Kaya maging handa kayo sapagkat sa oras na hindi n’yo inaasahan darating ang Anak ng Tao. Isipin n’yo ito: may tapat at matalinong katulong at sa kanya ipinagkatiwala ng kanyang amo ang sambahayan nito para bigyan sila ng pagkain sa tamang oras. Kung sa pagdating ng kanyang amo ay matagpuan s’ya nitong tumutupad sa kanyang tungkulin, mapalad ang katulong na ito. Talagang sinasabi ko sa inyo na ipinagkakatiwala sa kanya ng amo ang lahat nitong pag-aari. Sa halip ay nag-iisip naman ang masamang katulong: ‘Magtatagal ang aking Panginoon.’ Kaya sinimulan n’yang pagmalupitan ang mga katulong na kasama n’ya samantalang nakikipagkainan at nakikipag-inumang kasama ng mga lasing. Ngunit darating ang panginoon ng katulong na iyon sa oras na di n’ya inaasahan at sa panahong di n’ya alam. Palalayasin n’ya ang katulong na ito at pakikitunguhang gaya ng mga mapagkunwari. Doon nga may iyakan at pagngangalit ng ngipin.”
Pagninilay.
“Kaya’t magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam kung anong araw paririto ang Panginoon.”
Hindi po tayo tinatakot ni Jesus. Ginigising lamang po tayo sa katotohanang hindi natin hawak ang buhay. Hindi natin alam ang araw ng pagbabalik ng Panginoon — opo, nasa pamumuhay na laging handa ang tunay na karunungan.
Sa panahon ngayon, napakaraming bagay ang umaagaw ng ating atensyon – trabaho, social media, negosyo, ambisyon. Madaling masanay sa “mamaya na,” lalo na sa mga bagay na espirituwal. Ngunit sinasabi ni Jesus: “Mapalad ang aliping tapat at matalino, na dinaratnang gumaganap sa tungkulin kapag dumating ang kanyang panginoon.”
Hindi lamang ito para sa mga pari o madre, kundi para sa lahat – mga magulang na tapat sa pagpapalaki ng anak, mga estudyanteng nagsisikap mag-aral nang may integridad, mga manggagawang marangal, at mga taong tahimik na naglilingkod nang tapat.
Ang pagiging handa ay hindi dahil natatakot, kundi katapatan sa araw-araw. Paano nga ba mamuhay na naghihintay sa Panginoon? Nasa paggawa ito nang tama kahit walang nakakakita, pagpili ng kabutihan kaysa sa pansariling interes, pagmamahal sa kapwa imbes na manghusga at mag-marites. Opo, maaaring mauwi sa kapahamakan ang hindi paghahanda.
Kapanalig, mamuhay tayo nang gising, tapat, at may layunin – hindi dahil sa takot, kundi dahil sa pag-ibig. Darating ang Panginoon sa araw at oras na hindi natin nalalaman. Mapalad ang taong matatagpuang handa sa Kanyang pagdating.
- Sr. Deedee Alarcon, fsp l Daughters of St. Paul