Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Agosto 27, 2025 – Miyerkules | Paggunita kay Santa Monica

Ebanghelyo: Mateo 23:27-32

At sinabi ni Jesus: “Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Para kayong mga pinaputing libingan na maganda sa labas subalit puno ng buto ng mga patay at ng iba pang karumihan ang loob. Gayundin naman, mukha kayong mga taong banal subalit puno naman ng pagkukunwari at kasamaan ang kalooban. Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Nagtatayo kayo ng mga monumento para sa Mga Propeta at pinapalamutian ang mga bantayog ng mga banal na tao. Sinasabi ninyo: ‘Kung tayo ang nabuhay sa panahon ng ating mga ninuno, hindi sana sumang-ayon na patayin ang mga Propeta.’ Kaya kayo ang umaamin na mga anak kayo ng mga pumatay sa Mga Propeta. At ngayon, tapusin ninyo ang sinimulan ng inyong mga ninuno.

Pagninilay:

   Tila taliwas sa ating karaniwang pagkakakilala ang Hesus na ating narinig sa Ebanghelyo ngayon. Punong-puno ito ng panunumbat at hinaing. Sa aba ninyo! O sa ibang salin, sumpain kayo. Woe to you.

Kung ating napansin, makailang araw na nating naririnig ang ganitong tema at tono sa pananalita ni Hesus. At ang Ebanghelyo natin ngayon ay ang huling dalawa, sa pitong babala or 7 Woes ni Hesus para sa mga Pariseo at Escriba. Inaakusahan ni Hesus ang kanilang pagpapaimbabaw o hypocrisy. Mula sa salitang Griyego na nanganga-hulugang naka-maskara. Hindi tunay ang ipinapakita na katauhan at nagtatago sa panlabas na pakikitungo. Ginamit ni Hesus ang dalawang huling imahe, ang maputing libingan at lahi ng nagtatakwil ng mga propeta.

Tulad ng karaniwang libingan ng mga Hudyo at maging dito sa atin, pinipinturahan ng puti ang mga puntod. Subalit kahit ano’ng gawin, naaagnas at nabubulok na katawan ang nakapaloob dito. Ganun din ang pagpapatayo ng libingan sa mga propeta na mga ninuno nila mismo ang nagpapatay at nagtakwil. At maging hangang ngayon, ganito pa rin ang kanilang ginagawa kay Hesus.

Hinahamon tayo ni Hesus na maging authentic, maging tunay at hayag. Kung gaano ang panlabas, ganun din nawa ang ating kalooban. Ito rin ang kanyang hamon na baguhin ang ating gawain. Tanggapin ang kanyang salita at isabuhay ito.

Sa araw na ito, ginugunita rin natin si Sta. Monica na ina ni San Agustin. Sinasabi na sa pamamagitan ng palagiang panalangin ni Sta. Monica, nagbago ang pamumuhay ng kanyang anak. Nawa sa pamamagitan ng panalangin ni Sta. Monica, maging totoong lingkod tayo ni Hesus na nakikinig at nagsasabuhay ng kanyang salita.

  • Fr. Keiv Dimatatac, ssp l Society of St. Paul