Lk 21:34-36
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat kayo’t baka bumigat ang inyong mga isip sa mga bisyo, paglalasing at mga intindihin sa buhay. At baka bigla kayong datnan ng araw na iyon. Babagsak ito parang bitag sa lahat ng nasa lupa. Kaya lagi kayong magbantay at manalangin para maging marapat na makatakas sa lahat ng mangyayaring ito at makaharap sa Anak ng Tao.”
PAGNINILAY
Mga kapatid, ilan ba sa atin ang namumuhay na punong-puno ng pagkabalisa at alalahanin sa puso? Pagkagising pa lang sa umaga, aburido na’t nakasimangot dahil maraming iniintindi sa bahay, sa trabaho, sa pamilya, sa pagbudget ng pang-araw-araw na pangangailangan at kung anu-ano pa. Ni hindi na magawang ngumiti at magpasalamat sa Diyos dahil pinahiram ka muli ng panibagong buhay. Ang pamumuhay ng ganito, tanda ng kawalan natin ng pananalig sa awa at kabutihang loob ng Diyos. Totoo na kapag napapalayo tayo sa Diyos at hindi na tayo nagdarasal, nawawalan ng direksiyon ang ating buhay. Nalululong tayo sa mga masasamang bisyo at paglalasing; at tinatalo tayo ng sobrang pagkabalisa sa maraming alalahanin sa buhay. Kung sa araw-araw nating paggising, ganitong kapalaran ang nag-aantay sa’tin, talaga namang mawawalan na tayo ng ganang mabuhay. Mga kapatid, habang nabubuhay tayo sa mundo hindi maiiwasan ang pagkakaroon ng problema – malaki man ito o maliit, mabigat o magaan. Sa katunayan ang mga problema natin, tayo din naman ang may kagagawan. Kadalasan, bunga ito ng ating mga kasalanan at maling desisyon. Kaya huwag nating sisisihin ang Diyos kung tayo man nahihirapan dahil sa ating mga problema. Dahil hindi galing sa Kanya ang ating problema. Kaya’t pinaaalalahanan Niya tayo sa Ebanghelyo ngayon na laging magbantay at manalangin nang huwag tayong kainin ng sobrang pagkabalisa sa mga alalahanin sa buhay. Sayang ang bawat araw na pinahiram ng Diyos kung gagamitin lamang natin ito sa pamumrublema at pangungunsumi sa mga bagay na hindi naman natin kontrolado. Baka bigla Siyang dumating na nasa ganito tayong sitwasyon, at abutan Niya tayong hindi nakahanda. Panginoon, pawiin Mo po sa akin ang sobrang pagkabalisa sa maraming bagay, at tulungang magtiwala Sa’yo. Amen.