Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Agosto 19, 2025 – Martes | Paggunita kay San Ezekiel Moreno, obispo

Ebanghelyo: Mateo 19:23-30

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: Talagang sinasabi ko sa inyo: mahirap makapasok ang mayaman sa Kaharian ng Langit. Oo, maniwala kayo, mas madali pa para sa isang kamelyo ang lumusot sa butas ng karayom kaysa pumasok ang isang mayaman sa Kaharian ng Langit.” Nang marinig ito ng mga alagad, namangha sila at sinabing: “Kung gayon, sino ang maliligtas?” Tinitigan sila ni Jesus at sumagot: “Imposible ito para sa tao; subalit sa Diyos, lahat ay posible.” Nagsalita si Pedro at sinabi: “Iniwan namin ang lahat para sumunod sa iyo: ano naman ang para sa amin?” “Talagang sinasabi ko sa inyong mga sumusunod sa akin: sa Araw ng Pagbabago, pag-upo ng Anak ng Tao sa kanyang trono nang buong kaluwalhatian, uupo rin kayo sa labindalawang tribu ng Israel. At ang mag-iwan ng mga tahanan, mga kapatid, ama at ina, mga anak o mga bukid alang-alang sa Pangalan ko, tatanggap siya ng sandaang beses at makakamit ang buhay na walang hanggan. May mga una ngayon na mahuhuli at may mga huli naman na mauuna.”

Pagninilay:

Masama ba ang maging mayaman? Sinabi ni Jesus, “Tandaan ninyo: napakahirap para sa mayayaman na makapasok sa kaharian ng langit.” Against ba si Jesus sa mayayaman? Tungkol sa panganib ng pagkapit sa yaman kaysa sa Diyos ang babalang ito. Hindi lang pera ang “kayamanan.” Maaaring katanyagan, kapangyarihan, ginhawa, o maging ang sariling kagustuhan. Kapag ang mga ito ang naging sentro ng ating buhay, nalilimutan natin ang Diyos at ang Kanyang kalooban. Biyaya ng Panginoon ang mabubuting bagay na tinatamasa natin sa kasalukuyan. Pero, nakatuon lang ba tayo sa biyaya, at nalilimutan ang nagbigay nito?

Natunghayan natin sa Ebanghelyo ang kwento ng isang mayamang si Dives. Maaring sabihin ni Dives na wala naman siyang ginawang masama laban kay Lazaro. Hinayaan nga niyang gawin nitong tambayan ang harap ng kanyang marangyang tahanan kahit eyesore siya. “Namatay ang pulubi at siya’y dinala ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay rin ang mayaman at inilibing. Sa gitna ng kanyang pagdurusa sa daigdig ng mga patay, natanaw ng mayaman si Lazaro sa piling ni Abraham.”

Pagwawalang-bahala o indifference – sin of omission. Kasalanan ang pagpapabaya, o hindi paggawa ng tama. Napakahirap para sa mga labis na nakakapit sa kayamanan, katanyagan, kapangyarihan, ginhawa, o sariling kagustuhan ang makapasok sa langit.

Mga kapanalig, ano at sino ba ang kinakapitan natin? Sanhi ba ito ng pagkalimot natin sa Panginoon at pagwawalang-bahala natin sa mga nangangailangan sa paligid natin? Handa ba tayong bitawan ang mga ito upang mahawakan ang walang hanggang kayamanan ng Diyos? Dahil sa Kanya, walang sakripisyo ang nauuwi sa kawalan. Lahat may gantimpala, higit pa sa ating inaakala.

-Sr. Deedee Alarcon, fsp l Daughters of St. Paul