Daughters of Saint Paul

Nobyembre 27, 2016 LINGGO Unang Linggo ng Adbiyento

Mt 24:37-44

Sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad:  “Katulad ng nangyari sa panahon ni Noe, gayundin sa pagdating ng Anak ng Tao. Noong mga araw na iyon bago dumating ang Baha, kumakain at umiinom ang mga tao at nag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong. Ngunit wala silang alam hanggang dumating ang baha at tinangay silang lahat. Ganoon din sa pagdating ng Anak ng Tao. Sa dalawang lalaking nasa bukid, kukunin ang isa at iiwan ang isa. Sa dalawang babaeng gumigiling ng trigo, kukunin ang isa at iiwan ang isa.

            Kaya magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam ang araw ng pagdating ng inyong Panginoon. Isipin nyo ito: kung alam ng may ari ng bahay kung anong oras ng gabi darating ang magnanakaw, magbabantay siya at hindi niya pababayaang pasukin ang bahay. Kaya maging handa kayo sapagkat sa oras na hindi n'yo inaasahan darating ang Anak ng Tao.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, ang panahon ng Adbiyento, pagdiriwang ng muling “pagdating ng Panginoon,” na totoong isang malaking biyaya para sa ating lahat.  Tandaan natin na sa apat na Linggo ng Adbiyento, ang gagawin nating paghihintay, hindi nangangahulugan ng pananatili kung saan man tayo naroon ngayon.  Sa kalagayan ng ating bansa ngayon, hindi maalis sa atin ang mabalisa, mangamba at matakot kung ano ang naghihintay sa ating kinabukasan.   Magiging drug free nation na nga kaya tayo?  Masusugpo na nga kaya ang kriminalidad, korupsyon, kahirapan, pagsira sa kalikasan at marami pang usaping panlipunan na nagpapahirap sa ating bayan?  Ngayong panahon ng Adbiyento, pinapanibago natin ang ating pag-asa sa Panginoong ating Tagapagligtas.  Sinasariwa natin ang unang pagdating ng Panginoong Jesus sa ating piling, upang makipamayan sa atin.  Kaya lubos ang ating pag-asa at pagtitiwala sa pangako ng Panginoon, na sasamahan Niya tayo lagi, anuman ang pinagdadaanan natin sa buhay.  Ang adbiyento, panahon din ng espiritwal na paglalakbay, pagsulong, at panibagong pagsisimula.  Tuturuan tayo ni propeta Isaias na ilagak ang ating pag-asa sa mga pangako ng Diyos tungkol sa kapayapaan at pagkakaisa ng mga bansa.  Tuturuan din tayo ni San Pablo na gumising sa ating pagkakatulog at tingnan ang Adbiyento bilang isang tunay na panahon ng biyaya kung kailan ang pagliligtas ng Diyos sa atin, mas malapit pa nga ngayon, kaysa nang magsimula tayong sumampalataya.