Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Agosto 31, 2025 – Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)

Ebanghelyo: Lucas 14, 1-7-14

Isang Araw ng Pahinga, pumasok si Jesus sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo para kumain, at minanmanan naman nila siya. May talinghaga siyang sinabi nang mapuna niyang pinipili ng mga inimbita ang mga unang puwesto: “Kung anyayahan ka sa isang kasalan, huwag kang lumagay sa unang puwesto. Baka may kinumbidang mas importante kaysa sa iyo, at darating ang kumumbida sa inyong dalawa para sabihing ‘ibigay mo sa kanya ang puwestong ito.’ Kaya mapapahiya ka’t pupunta sa huling puwesto. Sa halip, kung anyayahan ka, sa huling puwesto ka pumunta sapagkat pagdating ng kumumbida sa iyo, sasabihin niya sa iyo: ‘Kaibigan, lumapit ka pa.’ Kaya mapararangalan ka sa harap ng lahat ng inanyayahan. Sapagkat ibababa ang lahat ng nagpapakataas at itataas ang nagpapakababa.” Sinabi ni Jesus sa puno ng mga Pariseo na nag-anyaya sa kanya: “Kung maghahanda ka ng tanghalian o hapunan, huwag mga kaibigan mo o mga kapatid mo o mga kamag-anak mo o mayayamang kapitbahay ang iyong kumbidahin, baka kumbidahin ka rin nila at susuklian ka. Kung maghahanda ka, mga dukha, mga bale-wala, mga pilay at mga bulag ang kumbidahin mo at magiging mapalad ka dahil hindi ka nila masusuklian ngunit sa pagkabuhay ng mga mabuti ka susuklian.

Pagninilay:

Mainit ang dugo ng mga Pariseo laban kay Jesus. Sa tingin nila, binabali ni Jesus ang mga utos ng Diyos na ibinigay kay Moises at tinuturuan niya ang mga tao na talikuran ito. Nangangamba sila na maagaw sa kanila ni Jesus ang simpatya ng mga tao at mawalan sila ng tagasunod. Hindi nagpaapekto si Jesus sa mga maling paratang laban sa kanya, at hindi niya kailanman iniwasan ang mga Pariseo kahit pa nga sila ang numero uno niyang mga kritiko. Pinaunlakan pa rin niya ang paanyaya ng Pariseo sa isang piging. ‘Yun nga lamang, tila pumasok si Jesus sa kulungan ng mababangis na leon dahil lahat ng mga mata ay nakapako sa kanya. Nakaamba ang lahat na siluin siya. Nag-abang sila na magkamali si Jesus.

     Hindi nasukol si Jesus ng mga kumakalaban sa kanya. Sa halip, pinansin ni Jesus ang karambolang nakita niyang nagaganap sa piging. Nag-uunahan sa pinakamarangal na puwesto ang mga panauhin. Kaya’t tinuruan niya ang lahat na iwasan ang natatanging upuan sa ano mang piging upang hindi mapahiya. Baka nga naman may dumating na taong higit na marangal kaysa kanila at palipatin sila sa mas mababang puwesto. Sa halip, bilang panauhin sa piging, piliin ang pinakahamak na lugar para kapag makita ka ng may handa, paakyatin ka sa puwestong higit na marangal. Hindi nagturo si Jesus ng taktika para makaangat sa magandang puwesto. Binanggit lamang niya ang turo na pamilyar sa mga Judio na nasasaad sa Aklat ng Kawikaan: “Huwag kang magmamataas sa harap ng hari na ihanay ang sarili sa mga taong pili. ‘Pagkat mas mabuting sabihin sa inyong, “Halika rini,” kaysa hamakin ka sa harap ng marami.” Ipinapaalala ni Jesus sa mga Pariseo na bumalik sa aral ng kababaang-loob at huwag ituring ang sarili na malaking tao kumpara sa iyong kapwa.

     Nagsalita rin siya tungkol sa mga imbitado sa piging. Kapag maghahanda raw ang isang tao, huwag anyayahan ang iyong mga kaibigan o kamag-anak o mayayamang kapitbahay. Iba ang nasa guest list ni Jesus: ang mga pulubi, mga pingkaw, mga pilay at mga bulag. Hindi ba maaalangan ang mga tulad nila kung iimbitahan sa malaking piging? Hindi ba sila mahihirapang makisalamuha sa mga Pariseo at iba pang mga tao sa mataas na lipunan? Hindi ordinaryong piging ang tinutukoy dito ni Jesus. Sa kanyang pagsasalita sa mga Pariseo na nag-anyaya sa kanya sa malaking piging, gumamit si Jesus ng parabola. Dito inilalarawan niya ang higit na malaking piging ng Ama sa langit kung saan tinatanggap at pinapahalagahan ang lahat.

     Panginoon, ituring nawa namin ang buhay na kaloob mo na isang piging. Mapuspos nawa kami ng kaligayahan at ibilang nawa namin sa aming pamumuhay lahat ng mga taong ipinagkaloob mo sa amin. Hindi lamang yaong mga mabubuti at nakakatulong sa amin kundi maging yaong mga may pasanin sa buhay at nagdudulot sa amin ng hamon na tugunan ang kanilang pangangailangan. Bigyan mo kami ng grasya para makayanan naming punuan ang kanilang mga pagkukulang. Amen.

  • Fr. Paul Marquez, ssp l Society of St. Paul