Daughters of Saint Paul

Nobyembre 28, 2016 LUNES Unang Linggo ng Adbiyento / San Andres Trong

Mt 8:5-11

Pagdating ni Jesus sa Capernaum, lumapit sa kanya ang isang kapitan at nakiusap sa kanya: “Ginoo, nakahiga sa bahay ang aking katulong. Lumpo siya at sobra na ang paghihirap…” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Paroroon ako at pagagalingin ko siya.”

            Sumagot ang kapitan:  “Hindi ako karapat-dapat para tumuloy ka sa bahay ko. Mag utos ka lang at gagaling na ang aking katulong. Mababa nga lang ang ranggo ko pero pag sinabi ko sa isa sa mga kawal na nasa ilalim ko: 'Pumaroon ka,' at pumaparito siya; at sa aking katulong: 'Gawin mo ito,' at ginagawa niya ito.”

            Nang marinig ni Jesus, humanga siya at sinabi sa mga sumusunod sa kanya: “Sinasabi ko sa inyo: marami ang darating mula sa silangan at sa kanluran para makisalo kina Abraham,Isaac, at Jacob sa Kaharian ng Langit.”

PAGNINILAY

Hindi ako karapat-dapat para tumuloy ka sa bahay ko.  Mag-utos ka lang at gagaling na ang aking katulong.  Sa sinabing ito ng kapitan, una niyang ipinakita kay Jesus ang pagkilala sa kanyang sarili bilang hindi karapat-dapat – dahil marahil sa kanyang posisyon o sa hindi niya pagsunod kay Jesus katulad ng mga alagad.  Nanliliit siya at nahihiya dahil alam niyang maaari siyang pag-isipan na isang oportunista lamang.  Pangalawa, nagpahayag siya kay Jesus ng isang malaking pagkilala at pagtitiwala sa kapangyarihan ng Kanyang salita.  Pangatlo, ibinaba ng kapitan ang kanyang ranggo na katulad lamang ng kanyang mga kawal na handang sumunod sa sasabihin sa kanya ni Jesus.  Ang kababaang-loob ng kapitan – tulad ng pintong bukas na nagbibigay-daan sa pagpapala ng Diyos upang tanggapin ang kanyang katulong.  Mga kapatid, malapit sa puso ng Diyos ang mga taong may mababang loob.  Kaya kadalasan, hindi Niya ipinagkakait ang kaliit-liitang kahilingang ipinaaabot nila sa Kanya.  Kinikilala nila ang Diyos bilang kanilang lakas at tanggulan, ang pinagmulan ng buhay, pag-asa at kaligtasan.  Kinikilala nilang walang saysay ang kanilang mga pagsisikap, wala silang magagawang mabuti – kung hindi sa tulong at habag ng Panginoon.  Ang Diyos ang sentro ng kanilang buhay at ang buo nilang pag-iral sa mundo nakatuon sa pagtupad ng kalooban ng Diyos.  Manalangin tayo.  Panginoon, pagkalooban Mo po ako ng kababaang-loob nang lagi kong kilalanin ang katotohanang wala akong magagawang mabuti sa ganang akin lang – kundi ang lahat, biyaya at pagpapalang nagmumula Sa’yo.  Amen.