Ebanghelyo: LUCAS 4,16-30
Pagdating ni Hesus sa Nazaret, kung saan siya lumaki, pumasok siya sa sinagoga sa Araw ng Pahinga ayon sa kanyang kinaugalian. Tumindig siya para bumasa ng Kasulatan, at iniabot sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Sa paglaladlad niya sa rolyo, natagpuan niya ang lugar kung saan nasusulat: “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon kayat pinahiran niya ako upang ihatid ang Mabuting Balita sa mga dukha. Sinugo niya ako upang ipahayag ang paglaya sa mga bilanggo, sa mga bulag ang pagkabawi ng paningin, upang bigyang-ginhawa ang mga api, at ipahayag ang taon ng kabutihang-loob ng Panginoon.” Binilot ni Hesus ang aklat, ibinigay ito sa tagapaglingkod at naupo. At nakatuon sa kanya ang mga mata ng lahat ng nasa sinagoga. Sinimulan niyang magsalita sa kanila: “Isinakatuparan ang Kasulatang ito ngayon habang nakikinig kayo.” At sumang-ayon silang lahat sa kanya habang nagtataka sa gayong pagpapahayag ng kabutihang-loob ng Diyos na nanggaling sa kanyang bibig. At sinabi nila: “Hindi ba’t ito ang anak ni Jose?” Sinabi si Hesus sa kanila: “Tiyak na babanggitin ninyo sa akin ang kasabihang: ‘Manggagamot, pagalingin mo ang iyong sarili! Gawin mo rin dito sa iyong bayan ang mga bagay na narinig naming ginawa mo sa Capernaum’. Talagang sinasabi ko: walang propetang katanggap-tanggap sa sarili niyang bayan. Tinitiyak ko sa inyo na maraming babaeng balo noon sa kapanahunan ni Elias nang sarhan ang Langit sa loob ng tatlo’t kalahating taon at nagkaroon ng matinding tag-gutom sa buong lupain. Gayon pa ma’y hindi ipinadala si Elias sa isa man sa kanila kundi sa babaeng balo ng Sarepta sa may Sidon. Marami ring may ketong sa Israel sa kapanahunan ni propeta Eliseo pero wala sa kanilang pinagaling kundi ang Siriong si Naaman.” Napuno ng galit ang lahat sa sinagoga pagkarinig dito, tumindig sila at ipinagtulakan siya sa labas ng bayan. Dinala nila siya sa gilid ng burol na kinatatayuan ng kanilang bayan upang ihulog. Ngunit dumaan siya sa gitna nila at umalis.
Pagninilay:
Noong bata pa kami, laging may dalang pasalubong si Mamang pag-uwi. Minsan, dumating siya na nasa bahay ang barkada ni Kuya at mga kalaro ng mga kapatid ko. Kaya ‘yung pasalubong pinaghati-hati ni Mamang para makatikim kaming lahat. Hindi ako nagreklamo, pero sa loob-loob ko noon, “Bakit kasi isinama pa sila? Di ba dapat para sa aming magkakapatid lang ‘yung pasalubong?”
Sa Mabuting Balita ngayon, napansin ba ninyo na sa simula ay pinuri si Jesus ng mga kababayan niya? Pero bigla na lang silang nagalit at gusto pa nila siyang ihulog sa bangin! Bakit? Kasi ikinuwento niya si propeta Eliseo na nagpagaling kay Naaman, na isang banyaga. Sinasabi niya na ang kabutihang-loob at pagpapala ng Diyos ay para sa lahat, pati na sa mga Hentil, at hindi lang para sa bayang Israel. Ang propetang si Jesus ay hindi lang para sa mga dukha, bilanggo, bulag at api ng bayang Israel, kundi para sa lahat ng mga bansa. Ito ang dahilan kung bakit sila nagalit at hindi nila siya matanggap.
Kapanalig, suriin natin ang ating sarili at mga komunidad, parokya at samahan. Natutukso ba tayong limitahan ang biyaya at kabutihang-loob ng Diyos, o paboran ang ilang mga grupo kaysa sa iba? Meron ba tayong inieche-pwera? Katulad ba tayo ng batang Rose na hindi nakaintindi ng malawak na pag-unawa, pagtanggap at pagmamahal ng Diyos para sa lahat?
Manalangin tayo:
Panginoon, buksan mo ang aking puso at diwa upang yakapin ang mapagkalinga mong pagmamahal na walang kinikilingan, at ibahagi ito sa aking kapwa. Amen
-Sr. Rose Agtarap, fsp l Daughters of St. Paul