Daughters of Saint Paul

Disyembre 3, 2016 SABADO Unang Linggo ng Adbiyento / San Francisco Javier, pari (Paggunita)

Mt 9:35—10:1, 5a, 6-8

Nilibot ni Jesus ang mga bayan at mga nayon; nagtungo siya sa kanilang mga sinagoga, nagpapahayag ng Mabuting Balita ng Kaharian at nagpapagaling ng lahat ng sakit at karamdaman. Nang makita niya ang makapal na tao, naawa siya sa kanila sapagkat hirap sila at lupaypay na na parang mga tupang walang pastol. At sinabi niya sa kanyang mga alagad: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa. Idalangin n'yo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani.”

            Tinawag ni Jesus ang labindalawa niyang alagad at binigyan sila ng kapangyarihan sa maruruming espiritu para palayasin ang nga ito at pagalingin ang lahat ng sakit at karamdaman.

            Sinabi ni Jesus sa kanila: “Hanapin n'yo ang nawawalang tupa ng sambayanan ng Israel. Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: 'Palapit na ang Kaharian ng Langit.' Pagalingin ang maysakit, buhayin ang patay, linisin ang mga mayketong at palayasin ang mga demonyo. Ibigay n'yo nang walang bayad ang tinanggap n'yo nang walang bayad.

PAGNINILAY

Mga kapatid, mula sa simpleng paanyaya at laking awa ng Diyos nang panahong yaon, kaya sinabi Niyang idalangin sa Panginoon ng ani na magpadala ng manggagawa sa kanyang ani.  Dahil sa dinami-dami ng tao, walang handang magsaka o mangisda sa literal nitong kahulugan. Nais lahat ng mga tao na umani at kumain lamang, ayaw magpagal. Sa ating pagninilay ngayon, lilihis tayo sa kadalasang interpretasyon ng pagbasa tungkol sa bokasyon o tawag ng Diyos. Hindi ito tahasang nagsasabi ng pangangailangan ng Diyos sa atin, kundi ng ating pangangailangang tumulong at ibahagi anumang meron tayo sa ating kapwa. Hindi problema ang kakulangan ng mga taga-ani kundi ang sobrang dami ng gustong umani at nangangailangan sa buhay. Iba ang panahon ni Jesus sa ating panahon ngayon. Sinabi iyon ni Jesus upang paigtingin ang paniniwala ng kanyang mga alagad at bayang Israel sa paparating na Mesiyas at tagapagligtas ang tinatatawag nilang “Messianic hope,” hindi upang sabihing nangangailangan ang Diyos sa atin. Kinakailangan ng Diyos ang mga tagaani konti o maliit man ito basta handa itong tumulong, gumabay at umalalay sa higit na nangangailangan.  Kapatid, handa ka bang tumugon sa panawagang ito ng Panginoon?  Panginoon, pagkalooban Mo po ako ng pusong handang kumalinga at magmalasakit  sa mga taong naliligaw ng landas at nawawalan na ng pag-asa.  Amen.