Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Setyembre 10, 2025 – Miyerkules, Paggunita kay San Juan Crisostomo, obispo at pantas ng Simbahan

Ebanghelyo: LUCAS 6,20-26

Tumingala si Jesus sa kanyang mga alagad at sinabi: “Mapapalad kayong mga dukha sapagkat sa inyo ang Kaharian ng Diyos. Mapapalad kayong mga nagugutom ngayon, sapagkat bubusugin kayo. Mapapalad kayong mga umiiyak ngayon, sapagkat tatawa kayo. Mapapalad kayo kapag kinapopootan kayo ng mga tao at itinatakwil at iniinsulto, at sinisiraang-puri dahil sa akin. Magsaya kayo at lubos na magalak sa araw na iyon sapagkat malaki ang inyong gantimpalang nasa Diyos; gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa Mga Propeta. Ngunit sawimpalad kayong mayayaman sapagkat tinatamasa na ninyo ang inyong ginhawa! Sawimpalad kayong mga busog ngayon, sapagkat magugutom kayo. Sawimpalad kayong humahalakhak ngayon sapagkat magluluksa kayo at iiyak! Sawimapad kayo kapag pinag-uusapan kayo nang mabuti ng lahat ng tao ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.”

Pagninilay: 

Magandang araw mga kapanalig! Gusto ba ni Jesus na maging mahirap na lamang tayo habang buhay? Ayaw ba niya tayong umasenso? Kung babasahin natin ang Ebanghelyo ngayon, parang ganun ang dating. Pero mga kapanalig, hindi literal ang ibig sabihin ni Jesus. Ayaw ng Diyos ng kahirapan, kagutuman, at kawalan ng katarungan. Gusto niya ng mundo kung saan lahat ay mayroong sapat at walang inaapi.

Ipinapakita ni Jesus ang isang Diyos na may malasakit—Diyos na nakikinig sa daing ng mga api at nagmamahal sa mga mahihina.

Isang araw, may nakausap akong matandang babae. Tinanong ko siya: “Manang, kamusta na po?” Ngumiti siya at sinabing: “Ito po, mahirap ang buhay, pero hindi pa rin pinababayaan ng Diyos.”

Ang sagot niya ay parang isang sermon – tunay na pananampalataya. Kahit na halos walang-wala siya, buo ang tiwala niya sa Panginoon. Totoo naman ‘yun di ba? Kapag mas malaki ang ating pangangailangan, mas taimtim tayong lumalapit sa Diyos – lalo na sa panahon ng kagutuman, kalungkutan, at anumang krisis ng ating buhay. Pero heto ang hamon: sana hindi lang tayo manalangin para sa sariling kaginhawaan. Sana ang panalangin ang magtulak sa atin na kumilos – para sa nagugutom, naaapi, at naghihirap.

Mga kapanalig, ang “Beatitudes” ni Jesus ay hindi lang mga salita. Ito ay dapat maging ating “BE-ATTITUDE” — paraan ng pamumuhay. Kung ano ang tinuturo Niya, ipakita natin sa gawa: maging biyaya tayo sa iba, maging presensya tayo ni Kristo sa gitna ng mundong magulo at nagugutom.

Kaya ngayon, tanungin natin ang ating sarili: Sa aking buhay, nararamdaman ba ng iba ang presensya ni Jesus? Amen.

Fr. Jk Maleficiar, ssp l Society of St. Paul