Mt 3:1-12
Nang panahon ding iyon, dumating sa disyerto ng Judea si Juan Bautista at nagsimulang magpahayag: “Magbagong-buhay kayo, lumapit na ang paghahari ng Langit!” Siya ang tinutukoy ni Propeta Isaias nang sabihin niyang: “‘Narinig ang sigaw sa disyerto: Ihanda ang daan para sa Panginoon, ituwid ang kanyang landas.' “
Balahibo ng kamelyo ang suot ni Juan; at may sinturong katad sa baywang, at balang at pulot-pukyutang -gubat ang kinakain. May mga taga-Jerusalem, taga-Judea at mula sa buong rehiyon ng Jordan na pumunta sa kanya. Inaamin nila ang kanilang mga kasalanan at binibinyagan sila ni Juan sa Ilog Jordan.
Nang makita niya na lumapit sa kanya ang ilang Pariseo at Sadduseo para magpabinyag, sinabi niya: “Lahi ng mga ulupong! Sino ang nagsabi sa inyong matatakasan ninyo ang darating na paghatol? Patunayan ninyo ang inyong pagbabagong-buhay, at huwag ipagyabang na 'si Abraham ang ama namin.' Sinasabi ko sa inyo na kahit sa mga batong ito'y makagagawa ng mga anak ng Diyos para kay Abraham! Nakaamba na ang palakol sa tabi ng ugat ng mga puno—para sibakin ang alinmang punong hindi namumunga ng mabuti, at itatapon ito sa apoy.
“Sa tubig ko kayo binibinyagan para sa pagbabagong-buhay pero kasunod kong darating ang isang makapangyarihan para sa akin. Hindi nga ako karapat-dapat magdala sa kanyang sandalyas. Bibinyagan niya kayo sa Espiritu Santo at sa apoy. Siya ang nakahandang matahip sa lahat ng butil ng trigo. Iipunin niya ang lahat ng butil sa kanyang kamalig ngunit susunugin ang mga ipa sa apoy na walang hanggan.
PAGNINILAY
Mga kapatid “precursor” o tagapaghanda ng daan si Juan Bautista sa pagdating ng Mesiyas. Isa itong uri ng “Biblical typology” o ang relasyon at pag-aangkop ng isang kabanata ng Lumang Tipan sa Bagong Tipan. Tinutukoy ni San Mateo rito ang katuparan ng isang matandang propesiya ayon kay Isaias “narinig ang sigaw sa disyerto: ihanda ang daan para sa Panginoon, ituwid ang kanyang landas.” Paano ba natin inihahanda ang sarili sa pagdating ng Panginoon? Higit sa panlabas na paghahanda, inaasahan Niya ang ating pagbabagong-buhay at paglilinis ng puso –makipagkasundo sa kaaway, magpatawad, mangkawang-gawa sa mga kapuspalad at ipadama sa kanila na tunay ngang buhay ang Diyos at nananahan Siya sa ating puso. Panginoon, baguhin Mo po ang aking pagkatao nang makatugon ako sa panawagan ng Ebanghelyo. Halina’t Manahan po Kayo sa aking puso. Amen.