Daughters of Saint Paul

Disyembre 5, 2016 LUNES Ikalawang Linggo ng Adbiyento / San Sabas

Lk 5:17-26

Isang araw, nagtuturo si Jesus at nakaupo naman ang mga Pariseo at mga guro ng Batas na galing sa iba’t ibang bayan ng Galilea at Judea at mula sa Jerusalem. Gumagawa ang kapangyarihan ng Panginoon sa kanya na magpagaling. May mga lalaking dumating na dala sa isang papag ang isang lalaking paralitiko. Sinikap nilang dalhin siya at ilagay sa harapan ni Jesus. Nang hindi nila makita kung paano nila madadala ang paralitiko dahil sa dami ng tao, umakyat sila sa bubungan at sa bubong nila siya idinaan pababa na nasa kanyang papag hanggang sa gitna sa harap ni Jesus.

Nang makita niya ang kanilang pananalig, sinabi niya: “Kaibigan, pinatawad ka sa iyong mga kasalanan.” Nagsimula noong mag-isip-isip ang mga guro ng Batas at mga Pariseo: “Talagang iniinsulto ng taong ito ang Diyos. Sino ba ang may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan? Di ba’t ang Diyos lamang?”

Ngunit alam ni Jesus ang kanilang mga pag-iisip kaya sinabi niya sa kanila: “Ano ang mga kaisipan ninyong ito? Ano ba ang mas madaling sabihin: ‘Pinatatawad ka sa iyong mga kasalanan’ o ‘Tumayo ka’t lumakad.’? Dapat n’yong malaman na may kapangyarihan sa lupa ang Anak ng Tao na magpatawad ng mga kasalanan.”  At sinabi niya sa paralitiko: “Sinasabi ko sa iyo: bumangon ka, dalhin ang iyong higaan at umuwi.” At kapagdaka’y tumayo siya sa harap nila, kinuha ang kanyang higaan at umuwing nagpupuro sa Diyos.

Namangha ang lahat at nagpuri sa Diyos. Nasindak nga sila at sinabi: “Nakakita tayo ng mga kagili-gilalas na bagay sa araw na ito!”

PAGNINILAY

Mga kapatid, kahanga-hanga ang habilin sa atin ng Ebanghelyo ngayon – ang pagtulong sa kapwa-tao. Batid nating lahat na pangunahing obligasyon natin ito bilang Kristiyano.  Pero, ang pagtulong na ito mangyayari lamang kung mulat tayo sa pangangailangan ng iba.  Kung masyado tayong nakatuon sa sariling mga pinagkakaabalahan, hindi natin mapapansin ang pangangailangan ng kapwa, maging ang ating kapamilya, kamag-anak, katrabaho o kasamahan sa komunidad.  Katulad na lamang ng tagpong narinig natin sa Ebanghelyo.  Kung hindi tinulungan ang lalaking paralitiko, hindi sana siya makakalapit kay Jesus; at hindi siya mapapagaling ni Jesus.  Patunay ito ng pangangailangan natin sa isa’t-isa.  Ang pag-aalay ng panalangin sa mga maysakit, paraan din ng paglapit natin sa kanila sa Panginoon.  Manalangin tayo. Panginoon, marapatin Mo pong maging sensitibo akong tumugon sa pangangailangan ng aking kapwa.  Alisin Mo po sa akin ang pagiging makasarili, at kawalan ng pakialam sa iba.  Amen.