Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Hindi makapamumunga ng masama ang mabuting puno, at ang masamang puno nama’y hindi makapamumunga ng mabuti. Nakikilala ang bawat puno sa bunga nito. Hindi makapipitas ng igos mula sa tinikan ni makaaani ng ubas mula sa dawagan. Naglalabas ang taong mabuti ng mabuting bagay mula sa yaman ng kabutihan sa kanyang puso; ang masama nama’y naglalabas ng masamang bagay mula sa kanyang kasamaan. At umaapaw nga mula sa puso ang sinasabi ng bibig. Bakit pa ninyo ako tinatawag na ‘Panginoon, Panginoon,’ pero hindi ninyo naman tinutupad ang aking sinasabi? Ilalarawan ko sa inyo ang lumalapit sa akin at nakikinig sa aking mga salita at tumutupad nito. May isang taong nagtatayo ng bahay, na humukay ng malalim at sa batuhan inilagay ang mga pundasyon. Pagdating ng baha, hinampas ng agos ang bahay na iyon subalit wala itong lakas para yanigin iyon sapagkat mabuti ang pagkakatatag niyon. At kung may nakikinig ngunit di naman nagsasagawa, matutulad siya sa nagtatayo ng bahay sa ibabaw ng lupa na wala namang pundasyon. Hinampas ito ng agos at kaagad bumagsak. Anong laki ng pagkawasak ng bahay na iyon!”
Pagninilay:
Isinulat po ni Sr. Aemy Soo ng Daughters of St. Paul ang ating pagninilay.
Pinapa-alalahanan tayo ng Mabuting Balita ngayon na ang mabuting puno ang nagbubunga ng mabuti. Hindi sapat ang pananampalatayang puro salita lang. Dapat itong makita sa pamumuhay natin, lalo na sa pagharap sa mga pagsubok
Naalala ko ‘yung nakaraang misyon namin. Nabisita namin si Nanay na 98 years old na pero tuwing Linggo, walang palya siyang nagsisimba sa parokya kahit naka-wheechair. At araw-araw naman nagsisimba siya online. Sabi niya, ‘Ipagpatuloy mo ang misyong ipinagkatiwala sa’yo ni Kristo. Ipinagdarasal kita. Ikaw ang pag-asa ng Simbahan.’
Na-touch ako sa mga salita niya – patunay na kahit mahina na ang katawan, puwede pa ring magbunga ng maganda. Sa kabila ng edad, ang matibay na pananampalataya ni Nanay ang nagpalakas sa aming mga batang missionaries. Para siyang punong matibay – hindi dahil sa sariling lakas, kundi dahil nakaugat siya sa pananampalataya at pagmamahal sa Diyos.
Kapanalig, hinahamon tayo ng Salita ng Diyos: Saan nakasalalay ang lakas natin? Sa sariling kasiyahan, o kay Cristo? Ang tunay na alagad ay hindi lang nakikinig, kundi ginagawa ang Kanyang salita. Sa gitna ng giyera, away, at krisis sa mundo, magdala nawa tayo ng pag-asa – na naka-ugat sa katapatan at pagmamahal sa Diyos. ‘Wag tayong mapagod na mamunga ng mga bagay na magtatagal. At sana, sa pamumuhay natin, ma-inspire din ang iba na ipagpatuloy ang misyon!
Panginoong Hesus, ikaw ang matibay na pundasyon ng aming buhay. Tulungan Mo kaming magbunga – sa pamamagitan ng pagmamahal, panalangin, katapatan, at paglilingkod. Kahit na marami kaming kahinaan, sakit, o mga pagsubok, gabayan mo kaming maging liwanag ng pag-asa at kagalakan. Bigyan Mo kami ng lakas na mamuhay at magmahal tulad Mo nang mas marami ang makakilala sa Iyo. Amen.