Ebanghelyo: Lucas 2, 33-35
Nangakatayo sa tabi ng Krus ni Hesus ang kanyang Ina at ang kapatid na babae ng Ina niya. Si Mariang Ina ni Cleopas at si Maria Magdalena, kaya pagkakita ni Hesus sa Ina at sa kanyang mahal na alagad na nakatayo sa tabi sinabi niya sa Ina. “Babae hayan ang anak mo.” Pagkatapos ay sinabi naman niya sa alagad: “Hayan ang iyong Ina” at mula sa oras na iyon tinanggap siya ng mga alagad sa kanila.
Pagninilay:
Ipinahayag ni Simeon na si Hesus ang liwanag ng mundo at luwalhati ng Israel. Pero marami ang tututol sa Kanya. Pati ang Kanyang Inang Maria ay magdurusa nang husto dahil sa Kanya. Ipinapakita nito kung gaano kaisa ni Hesus si Maria sa gawain ng kaligtasan. Ang paghihirap ni Hesus sa laman, ramdam din ni Maria sa kanyang puso’t kaluluwa. Lubha siyang nagdusa nang itakwil si Hesus ng kanilang mga kamag-anak; nang laitin si Jesus ng mga eskriba at Pariseo, nang ipagkakanulo siya ni Judas, nang iniwan siya ng mga alagad, nang pahirapan siya ng mga Romano, at ipinapako sa krus sa gitna ng mga tulisan, habang tinutuya siya ng mga tao.
Mga punyal ang mga ito na tumimo sa puso ni Maria—kaya nga tinawag siyang “Ina na Nagdadalamhati.” Pero tinanggap niya ang lahat dahil alam niyang bahagi ito ng pagtutulungan nila ni Hesus para sa kaligtasan ng sangkatauhan.
Tinatawag rin tayong mga Kristiyano na makipagtulungan kay Hesus sa pagliligtas sa mundo. Kaya lang minsan, kapag gumagawa tayo ng mabuti, hirap din tayo sa kawalan ng suporta o pag-unawa. Masasaktan ka sa pintas at pagdududa ng iba, o kaya ay madi-discourage sa ating mga kakulangan, takot, o kahinaan ng pananampalataya. Parang mga punyal din ang mga ito na tumitimo sa puso natin. Pero kailangan ni Hesus ang dugo ng ating mga sakripisyo – kahit na tayo’y makasalanan at mahina – para makaisa tayo sa Kanyang pagliligtas. Hindi ba nakakagaan ng loob ito! Isipin mo, sa gitna ng ating kahinaan at paghihirap, kasama pala natin si Hesus sa pagliligtas ng mga kaluluwa? Kaya sa bawat pagsubok: huwag matakot tanggapin ang pagdurusa; itrato mo itong misyon – hindi lang problema; i-offer ito kay Hesus.
Mahal na Birheng Maria, turuan mo kaming maging matapang na tanggapin ang mga pagdurusa at makiisa sa mga paghihirap ni Hesus para sa kaligtasan ng mundo. Amen.
-Sr. Vangie Canag, fsp l Daughters of St. Paul