Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Setyembre 20, 2025 – Sabado, Paggunita kina San Andres Kim Taegon, pari at martir, at San Pablo Chong Hasang, at mga Kasama, mga martir

Ebanghelyo: LUCAS 8,4-15

Napakakapal na tao ang nagkakatipon dahil pinuntahan si Hesus ng mga tao mula sa kani-kanilang mga bayan. Kaya nagsalita siya sa talinghaga: “Lumabas ang manghahasik para maghasik ng kanyang binhi. Sa kanyang paghahasik, may ilang butong nahulog sa tabi ng daan at tinapak-tapakan at kinain ng mga ibon sa Langit. Nahulog ang iba sa batuhan, at nang sumibol ay nalanta dahil sa kawalan ng halumigmig. Nahulog ang iba pang buto sa gitna ng tinikan, at sa kanilang paglaki, sinikil ito ng mga tinik. Nahulog naman ang iba pa sa matabang lupa at nang sumibol ay nagbunga ng tig-iisang daan” Pagkasabi nito’y sumigaw siya: “Makinig ang may tainga.” At tinanong siya ng kanyang mga alagad kung ano ang kahulugan ng taling hagang ito. Kayat sinabi niya: “Sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga lihim ng kaharian ng Diyos, at sa iba nama’y sa talinhaga lamang para tumingin sila at hindi makakita, makinig at hindi makaintindi. Ito ang kahulugan ng talinhaga. Ang binhi ang Salita ng Diyos. Ang mga nasa tabi ng daan ang mga nakakarinig nito subalit agad namang dumarating ang diyablo; inagaw niya ang salita mula sa kanilang isipan upang huwag silang manalig na maligtas. Ang mga nasa batuhan ang mga nakakarinig na masayang tinatanggap ang salita. Ngunit wala silang ugat kaya sandali silang nananalig at tumitiwalag naman sa panahon ng tukso. Ang nahulog naman sa tinikan ang mga nakakarinig na sa pagpapatuloy nila’y sinikil ng mga kabalisahan, ng kayamanan at ng mga kasiyahan sa buhay kaya’t hindi sila nakapagbunga. Ang nahulog naman sa matabang lupa ay ang mga nakakarinig sa salita at iniingatan ito nang may dakila’t mabuting loob at nagbubunga sila sa pagtagal.”

Pagninilay:

Ibinahagi po ni Sr. Joy Ingrid Montes ng Daughters of St. Paul ang pagninilay.

Sa Mabuting Balita ngayon inihalintulad ni Jesus ang salita ng Diyos sa binhi at ang lupa sa kung paano natin ito tinatanggap sa ating mga puso at isinasabuhay. Sa aking pagninilay naalala ko ‘yung pagiging mahilig ko sa pagtatanim ng halaman.

Hahanap ka ng lugar o matabang lupa na angkop sa halamang iyong itatanim. Kailangan mo itong alagaan, diligan, alisan ng mga damo at hindi mo hahayaan na dapuan ng peste o sakit. Kailangan mong maging masipag, matiyaga at mahalin ang iyong gingawa. Nagbibigay sa akin ng kasiyahan kapag nakikita kong tumutubo nang maayos at namumunga na ang mga ito. Nalulungkot naman ako kung ito ay matamlay o hindi namumunga.

Higit pa ang nararanasang tuwa at kasiyahan ng Panginoon kung nakikita niyang tinatanggap at isinasabuhay natin ang kanyang salita. Kung nagsusumikap tayong sumunod sa kanya sa kabila ng mga paghihirap at problema na dumarating sa ating buhay.  Nalulungkot naman siya kung nakikita niya tayong malayo sa kanya at hindi namumuhay na naaayon sa kanyang kalooban. Kapanalig, saang lupa ka tumutubo?

Tinatawag tayo ng Diyos na palalimin pa ang ating pananampalataya at ugnayan sa kanya. Ano mang problema, pagsubok o unos na dumating sa ating buhay, huwag tayong sumusuko kaagad at mawalan ng pag- asa. Binibigyan niya tayo ng panibagong buhay, panahon o pagkakataon na baguhin ang ating mga sarili. Tumubo sa matabang lupa, mamunga ng kabutihan, at matutong magbahagi sa iba. Ang ating buhay nawa ay mapuno ng pagmamahal sa Diyos at sa ating kapwa. Huwag natin sayangin ang mga biyayang ating tinatanggap mula sa kanya araw-araw.

-Sr. Joy Ingrid Montes, fsp l Daughters of St.