Ebanghelyo: LUCAS 8:1-3
Pagninilay:
Tahimik pero makapangyarihan ang papel ng mga kababaihan sa ebanghelyo ngayon. Habang nangangaral sa mga bayan at nayon, kasama ni Jesus, hindi lang ang Labindalawa, kundi ang mga kababaihang pinagaling at minahal Niya. Mga dating wasak, sugatan, inaapi, inaalipin ng kasalanan at sakit – pinalaya Niya at binigyan ng panibagong layuning maglingkod, maghatid ng Mabuting Balita.
Hindi sila nagturo o nangaral sa madla gaya ng mga apostol. Pero sa kanilang kabutihang loob at pagbibigay mula sa sariling ari-arian, naging mahalagang bahagi sila ng misyon ni Jesus. Sa kanila nagmula ang suporta sa mga pangangailangan ni Jesus at ng mga alagad. Hindi nila inisip na “maliit lang ang ambag ko.” Bukas-loob silang nagbigay dahil naranasan nila ang pagmamahal at pagpapatawad ng Diyos.
Napaka-praktikal ng aral na ito: hindi kailangang maging mayaman, sikat, malakas, o perpekto para makaambag sa misyon ng paghahatid ng Mabuting Balita. Ang simpleng kabutihan, suporta, presensya, ay may halaga sa mata ng Diyos. Tulad ni Maria Magdalena na minsa’y inalipin ng pitong demonyo, bawat isa ay may bahagi sa gawain ng Panginoon, anuman ang nakaraan mo. Pusong handang maglingkod dahil sa pagmamahal kay Jesus ang mahalaga. Bawat isa sa atin ay may maihahandog: oras, talento, lakas, resources, dasal, o simpleng presensya. Minsan ang pinakadakilang ambag ay ang tahimik na paglingap sa kapwa, ang simpleng “Oo” sa pagtulong, o ang katapatan sa tungkulin, kahit walang nakapapansin. Hindi kailanman nalilimutan ng Diyos ang ating munting pagsusumikap. Bawat kabutihang ginawa sa ngalan ng pag-ibig ay bahagi ng pagpapalaganap ng Kanyang kaharian.
Kapanalig, ano ang meron ka ngayon na maaari mong ialay para sa kaharian ng Diyos? Sa katapusan, ang bawat tulong, maliit man o malaki, ay bahagi ng pagliligtas ng Diyos sa mundo.
Huwag mong sabihing “maliit lang ang ambag ko” o “wala akong silbi” o “wala akong maibibigay.” Kung ginamit ni Jesus ang mga kababaihan at makasalanan para sa Kanyang misyon, tiyak, may plano rin Siya sa ’yo. Sa puso mong handang tumugon, nagsisimula ang tunay na pagbabago—hindi lang sa buhay mo, kundi sa mundo.
–Sr. Deedee Alarcon, fsp l Daughters of St. Paul