Ebanghelyo: Lucas 7:36-50
Inanyayahan si Jesus ng isa sa mga Pariseo na makisalo sa kanya pumasok siya sa bahay ng Pariseo at humilig sa sopa para kumain. Ngayon, may isang babae sa bayang iyon na itinuturing na makasalanan. Nang malaman nito na si Jesus ay nasa hapag sa bahay ng Pariseo, nagdala ito ng pabangong nasa sisidlang alabastro. Tumayo siya sa likuran, sa may paanan ni Jesus at umiyak. Tumulo ang kanyang mga luha sa mga paa ni Jesus at pinunasan niya ng kanyang buhok, at hinagkan at pinahiran ng pabango. Nang makita ito ng Pariseong kumumbida, naisip nito: “Kung Propeta ang taong ito, malalaman niya kung sino ang babaeng ito at anong uri ng tao ang humihipo sa kanya—isa ngang makasalanan!” Ngunit nagsalita sa kanya si Jesus: “Simon, may sasabihin ako sa iyo.” “Guro, magsalita ka.” “May dalawang may utang sa isang taong nagpapautang. Limandaang salaping pilak ang utang ng isa at limampu naman ang sa isa pa. Ngunit wala silang maibayad, kaya kapwa niya sila pinatawad. Ngayon, sino sa kanila ang magmamahal sa kanya nang higit?” “Sa palagay ko’y ang pinatawad niya ng mas malaki.” “Tama ang hatol mo.” At paglingon niya sa babae, sinabi niya kay Simon: “Nakikita mo ba ang babaeng ito? Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa ngunit binasa niya ng kanyang luha ang aking paa at pinunasan ito ng kanyang buhok. Hindi mo ako hinagkan ngunit mula nang pumasok siya’y wala nang tigil ang kahahalik niya sa aking mga paa. Kaya sinasabi ko sa iyo, pinatatawad na ang marami niyang kasalanan dahil nagmahal siya nang malaki. Ngunit nagmamahal lamang ng kaunti ang pinatatawad ng kaunti.” At sinabi naman ni Jesus sa babae: “Pinatatawad ang iyong mga kasalanan.” At nagsimulang mag-isip ang mga nasa hapag, “At nangangahas ang taong ito na magpatawad ng mga kasalanan.” Ngunit sinabi ni Jesus sa babae: “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya; humayo ka sa kapayapaan.”
Pagninilay:
Kapanalig, ano ba ang kaya mong ibigay sa ngalan ng pag-ibig? Narinig natin sa Mabuting Balita ang ginawa ng babaeng lumapit kay Jesus: binasa niya ng luha ang mga paa ni Jesus, pinunasan ito ng kanyang buhok at pinahiran ng pabango. At dahil sa ginawa niya sinabi sa kanya ni Jesus, “Pinatawad na ang iyong mga kasalanan”. Bakit? Kapanalig, ang ginawa ng babae ay pagpapahayag ng taos-pusong pagsisisi na puno ng pagpapakumbaba. Hindi nya alintana ang kahihiyan sa harap ng mga Pariseo na kilala siya bilang makasalanan. Siguro, ang tanging gusto lang niya ay makalapit kay Jesus. Kapanalig, minsan hindi natin kailangan ng maraming salita upang makapagdasal nang taimtim. Batid ni Jesus ang tunay na hangarin ng ating puso tuwing lalapit tayo sa kanya. He satisfies this longing that makes us shed tears.
Kapanalig, maraming beses kong naranasan ito. Minsan nahihiya nga ako lalo na kung nagsisimba. Minsan sa pagbasa ng Salita ng Diyos, minsan sa mga awit sa misa at kung minsan sa homiliya ng pari. Mahirap ipaliwanag pero masarap sa pakiramdam dahil ramdam ko, buhay ang Diyos at kaisa ko sya sa aking mga alalahanin sa buhay. Ang pagpaparamdam ng Diyos ay isang regalo na libre Nyang ibinibigay sa mga naghahangad. Hangarin sana nating maramdaman lagi ang presensiya ni Jesus.
- Sr. Lourdes Ranara, fsp l Daughters of St. Paul