Ebanghelyo: Lucas 9,51-56
Nang papalapit na ang panahon ng pag-aakyat sa kanya, tahasang ipinasya ni Hesus na pumunta sa Jerusalem. Nagpadala s’ya ng mga sugo upang mauna sa kanya at pumasok sila sa nayon ng mga Samaritano para ihanda ang kanyang matutuluyan. Ngunit ayaw nila siyang tanggapin dahil papunta s’ya sa Jerusalem. Kaya sinabi sa kanya ng kanyang mga alagad na sina Jaime at Juan: “Panginoon, gusto mo bang tumawag kami ng apoy na babagsak mula sa Langit para puksain sila?” Lumingon si Hesus at pinagwikaan sila at sa ibang bayan sila nagpunta.
Pagninilay:
Ibinahagi po ni Sr. Laurin Kowal ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Sa buhay na-tin, maraming mga pagkakataong kailangan nating harapin ang mga pagsubok, kahit na ito’y mahirap. Tulad ni Hesus, alam Niyang tatanggihan, pahihirapan, at papatayin siya sa Jerusalem, pero matatag Siyang nagpasyang pumunta roon. Kapanalig, ganoon din tayo. Minsan, ang pagsubok natin ay maaaring lungkot, sakit, pagkawala ng mga bagay o pagbitaw ng mga taong mahal natin. Kailangan nating harapin ang mga ito dahil hindi naman natin talagang matatakasan.
Bilang isang misyonero, naramdaman ko ‘to: hindi naging madaling iwan ang buhay ko noon. Pero tulad ni Hesus, tinatawag tayong maging matatag na magpatuloy sa landas na itinuturo ni Jesus. Kasi ipinakita Niya na ang tunay na pagsunod sa Kanya ay hindi pag-iwas sa hirap, kundi pagharap at pagyakap dito nang may pananampalataya at lakas ng loob, nananalig na bahagi ang lahat ng ito sa plano ng Diyos.
Bawat pagsubok ay nagiging pagkakataon para mas lalong lumalim ang pagtitiwala sa Kanya. Bawat paghihirap ay paanyaya na manalig sa Kanyang lakas. Ipinakita ni Hesus na ang krus ay hindi katapusan. Ang krus ang natatanging daan tungo sa muling pagkabuhay at bagong buhay. Amen.
-Sr. Laurin Kowa, fsp l Daughters of St. Paul