Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Setyembre 29, 2025 – Lunes, Kapistahan nina Arkanghel San Miguel, San Gabriel at San Rafael

Ebanghelyo:  Juan 1,47-51

Nakita ni Hesus na palapit sa kanya si Natanael at sinabi niya tungkol sa kanya: “Hayan ang tunay na Israelitang walang pagkukunwari.” “Paano mo ako nakilala?” “Bago pa man tawagin ni Felipe, habang nasa ilalim ka ng puno ng igos, nakita na kita.” “Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos, ikaw ang Hari ng Israel.” “Sinabi ko lang sa iyong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos, at naniniwala ka na? Higit pa sa mga ito ang makikita mo. Talagang sinasabi ko sa inyo, makikita ninyong nakabukas ang Langit at panhik-panaog sa Anak ng Tao ang mga anghel ng Diyos.”

Pagninilay:

Ipinagdiriwang natin sa araw na ito ang kapistahan ng tatlong arkanghel. Mababasa  natin si San Miguel Arkanghel sa Aklat ni Daniel at Sulat ni San Judas. Siya ang namuno sa pakikipaglaban sa mga kampon ng kadiliman. Kaya makikita sa imahen ni San Miguel na inaapakan niya ang ulo ng demonyo. Hinihingi natin ang kanyang tulong kapag tayo ay tinutukso ng demonyo at kasamaan. Mababasa naman natin si San Gabriel Arkanghel sa Ebanghelyo ni San Mateo at San Lucas. Siya ang nagpahayag ng pagkakatawang-tao at pagsilang ni Jesus kaya madalas nating marinig ang tungkol sa kanya tuwing advent Season lalo na sa Simbang Gabi. Si San Rafael Arkanghel naman ay mababasa natin sa Aklat ni Tobias. Siya ang anghel na sumama kay Tobias sa paglalakbay at nagpagaling sa pagkabulag ni Tobit. Kaya maaari nating hingin ang patnubay at paggabay ni San Rafael para sa isang ligtas na paglalakbay at kagalingan sa karamdaman. Kapanalig, bata man o matanda ay nangangailangan ng paggabay at patnubay ng mga anghel upang makaiwas tayo sa paggawa ng masama at anumang tukso ng hari ng kadiliman. Patron ng aming bayan si San Rafael kaya malapit ako sa kanya. Maraming beses ko na ring hiningi ang kanyang paggabay at patnubay sa isang ligtas at maayos na paglalakbay. Hindi lamang sa pagpunta sa ibang lugar kundi sa paglalakbay rito sa mundong ibabaw. Habang nabubuhay tayo kailangan natin ang paggabay ni San Rafael upang huwag tayong maligaw at makauwi sa Ama nang ligtas at mapayapa.

  • Sr. Lourdes Ranara, fsp l Daughters of St. Paul