Ebanghelyo: LUCAS 9,43-45
Nang lubos na nagtataka ang lahat dahil sa mga ginagawa ni Jesus, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Itanim n’yong mabuti sa inyong pandinig ang mga kataga kong ito: ibibigay ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao.” Hindi nila naintindihan ang pahayag na ito at nalingid ito sa kanila upang hindi nila maunawaan. At takot naman silang magtanong sa kanya tungkol sa pahayag na ito.
Pagninilay:
Naalala ko noong seminarista pa lamang ako, palaging pinapaalala ng aking spiritual director na kapag dumaranas ako ng hirap sa pag-aaral, sa pakikisama, o di kaya’y mayroong hindi maintindihan sa sarili o sa iba, palatandaan daw na nasa tamang lugar ako. Bakit? Sapagka’t ang Diyos na aking sinusundan ay nagbata rin ng hirap at sakit alang-alang sa iba. Alang-alang sa atin. Kaya maituturing na mapalad ako, bilang tagasunod niya, dahil nararanasan ko rin ang hirap at nakikisalo ako sa hirap ng Panginoon.
Sa Mabuting Balita ngayon, muling sinabi ni Hesus ang tungkol sa Misteryo Paskwal o ang kanyang Pagpapakasakit, Pagkamatay sa Krus, at Muling Pagkabuhay.
Paano nga ba kung malaman mo na daranas ng paghihirap ang taong mahal mo? Hindi ba malulungkot tayo at iisip tayo ng paraan para pigilan ito, o para mabawasan man lang yoong paghihirap? Kasi kapag mahal natin ang isang tao, inalagaan at pino-protektahan natin siya. Pero hindi ito ang nais ni Hesus. Ang nais lamang ni Hesus ay manatili tayo sa kanya. Manatili at lubos na magtiwala sa plano ng Diyos.
Ganoon din sa ating buhay, sa ating pagsunod sa Panginoon. Tanggapin natin na hindi naman po talaga magiging madali ang lahat. Makakaranas tayo ng paghihirap sa mga panahong hindi natin inaasahan. Pero tandaan po natin: lumalago ang ating pananam-palataya sa pagtitiwala. Pagtitiwala sa kakayahan natin, at pagtitiwala sa kayang gawin ng Diyos sa ating buhay. Laging kaakibat ng pagtitiwala ang salitang paubaya. Sapagkat, ang taong nagtitiwala marunong magpaubaya.
Kaya kapanalig, kung may pinagdaraanan ka ngayon at hindi maintindihan, ipaubaya mong lahat sa Panginoon. Baka kaya masyado kang nabibigatan, eh kasi hindi ka marunong magpaubaya. Tahimik nating idalangin: Panginoon, ipinapaubaya ko sa iyo ang buhay ko. Ipinapaubaya ko sa Iyo ang bawat desisyon ko, ang lahat ng pinagdaraanan ko. Panibaguhin mo ako. Panatilihin mo ako sa iyo. Amen.
- Fr. Mat De Guzman of Our Lady of the most Blessed Sacrament Parish