Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Setyembre 25, 2025 – Huwebes ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Ebanghelyo: Lucas 9,7-9

Nabalitaan ng tetrarkang si Herodes ang lahat ng pangyayari at litung-lito siya dahil may nagsasabing nabuhay mula sa mga patay si Juan. Sinabi naman ng iba na nagpakita si Elias, at nang iba pa na isa sa Mga Propeta noon ang bumangon. At sinabi ni Herodes: “Pinapugutan ko si Juan; sino nga kaya itong nababalitaan kong gumagawa ng mga iyon?” Kaya sinikap niyang makita s’ya.

Pagninilay:

May ilang bagay tayong dapat bigyang pansin para mahanap natin ang meaning.  Una, may mga moments ba na curious tayo kung sino si Hesus Maestro, pero ayaw nating magbago? Yung mag-aattend ng community prayer, youth camp for Jesus, pero kapag may panawagan na project for self-growth, nagdadalawang-isip. Nahihirapang magsikap. Mas madali kasing magpaka-jolly kaysa magpakaholy. O kaya, active sa Church, pero sa social media, may mga post na puno ng galit, paninira, o kawalang-galang na salita. Kapag may recollection, gustong “makaramdam” ng presensya ni Lord, interesado sa magagandang pagninilay, pero ayaw bitawan ang mga bagay na alam na hindi tama. Ikalawa, may mga unresolved guilt ba tayo?  May mga atraso sa Diyos at sa kapwa na ayaw nating harapin? Nakasakit ka ba ng kaibigan? Siniraan, iniwan, hindi na binalikan? Alam mong mali, pero ayaw mong humingi ng tawad.  Sa tuwing may misa o dasal, parang may bumabagabag sa puso mo pero hiding inside yourself na lang. Tahimik. Takot. Sumisigaw ang konsensya pero ayaw magpenitensya. Ikatlo, may desire ka ba na makaranas ng miracle sa buhay mo, pero kapag misyon na ang pag-uusapan, para kang bula na naglalaho? Gusto mong maging magaling, makareceive ng award, makahanap ng new love at nai-grant ito sa iyo, pero ayaw mong sundan ang yapak ni Hesus Maestro. Hinahanap mo Siya para sa sarili, hindi para magpuri. Gusto mo ng koneksyon, pero hindi ng relasyon. Kapanalig, ano nga ba ang hanap nating meaning? Hindi sapat ang makita Siya. Kailangan natin Siyang sundan. Kailangan natin Siyang mahalin. Kailangan natin Siyang hayaan na baguhin ang puso natin. At ang tunay na misyon ay hindi lang ang makaramdam ng presensya ng ating Hesus Maestro, kundi ang mismong maging presensya Niya sa mundo.

-Sr. Gemmaria Dela Cruz, fsp l Daughters of St. Paul