Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Setyembre 22, 2025 – Lunes ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Ebanghelyo: LUCAS 8,16-18

Sinabi ni Hesus sa mga tao: “Walang nagsisindi ng ilawan at tinatakpan ito ng palayok, o inilalagay sa ilalim ng higaan. Ipinapatong ito sa patungan para makita ng mga pumapasok ang liwanag. Walang nalilihim na di mabubunyag, di natatakpan at di mahahayag at malalantad. Kaya’t isip-isipin ninyo ang inyong naririnig dahil bibigyan pa nga ang mayroon at ang walang-wala naman kahit na ang akala n’yang kanya ay aagawin sa kanya.

Pagninilay:

Ibinahagi po ni Sr. Judith Ma Le ng Daughters of St. Paul ang ating pagninilay. Hindi ba parang ang weird? Sino bang maglalagay ng ilaw sa ilalim ng basket o kama? Di ba’t ang ilawan ay para magliwanag? Pero ginamit ni Hesus ito bilang simbolo, hindi lang sa pisikal na liwanag, kundi sa liwanag ng katotohanan, ng grasya, at ng Salita ng Diyos. 

Tayo ang ilawan, ang lampara. At si Hesus ang nagsisindi ng ilaw natin. Pero gaano kadalas nating itinatago ang liwanag na ‘to? Dahil sa takot, pag-aalinlangan, katamaran, o false humility, tinatakpan at itinatago natin ang liwanag na pinagningas ng Diyos sa atin. Nag-aalangan tayong magsalita ng katotohanan, magmahal nang lubusan, magpatotoo kay Kristo nang buong tapang.

Minsan, naiisip natin: “Hindi ko kaya. Hindi naman ako magaling magsalita. Wala namang mai-inspire sa ‘kin. I cannot make a difference! Sino ba naman ako?” Pero sa totoo lang, hindi naman tungkol sa’tin ‘to, kundi kay Hesus na nagniningas sa atin. Sisidlan  lang tayo. Ang trabaho natin? Manatiling bukas at hayaan Siyang magliwanag. 

“Kaya isip-isipin ninyo ang inyong naririnig.” Malalim ‘to kapanalig. Kasi bago tayo makapagbigay ng liwanag, kailangan munang tanggapin natin ito. Pinakikinggan ba natin nang mainam ang Salita ng Diyos? Pinapayagan ba natin itong baguhin tayo, o itinatago lang natin? 

Manalangin tayo: Panginoon, salamat sa liwanag ng pananampalataya. Tulungan Mo akong huwag itago ang mga biyayang ibinigay mo sa akin, kundi ibahagi ang mga ito. Turuan Mo akong makinig nang mabuti sa iyong Salita, at hayaan Kang lumiwanag sa’kin. Amen.

Sr. Judith Ma Le, fsp l Daughters of St. Paul