Ebanghelyo: Lc 8:19-21
Pinuntahan si Jesus ng kanyang ina at mga kapatid pero hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao. May nagsabi sa kanya: “Nakatayo sa labas ang iyong ina at mga kapatid, at gusto kang makita.” Sumagot siya at sinabi sa kanila: “Ang mga nakikinig sa Salita ng Diyos at nagsasagawa nito, sila ang aking ina at aking mga kapatid.”
Pagninilay:
Isinulat po ni Sr. Aida Adriano ng Daughters of St. Paul ang ating pagninilay. Sa Mabuting Balita ngayon, tinanong ni Hesus, “Sino ang aking ina, at sinu-sino ang aking mga kapatid?” Itinuro niya ang kanyang mga alagad at sinabi, “Ang sinumang sumusunod sa kalooban ng aking Amang nasa langit, iyon ang aking ina at mga kapatid.” Ang tunay na kaugnayan natin sa Diyos ay nakaugat sa pagtalima sa kalooban ng Diyos at hingi sa blood relationship.
Sa araw na ito, ipinagdiriwang natin ang kapistahan ni Santo Padre Pio. Ang turo niya tungkol sa paggawa ng kalooban ng Diyos ay ang pagkilala at pagtanggap sa plano Niya sa ating buhay sa lahat ng pagkakataon, kahit na ang pinakamahirap, nang may mababang loob at pagtitiwala.
Ito ang naging karanasan ng aking pamangkin na si Lei at ng kanyang asawa na si Nelson. Nag-isang dibdib sila sa gulang na 32. Tatlong taon na silang kasal ngunit hindi pa sila pinagkalooban ng anak. Sinabi ng doctor na barado ang uterus ni Lei kaya’t imposible siyang magdalang-tao. Nanalangin sila nang mataimtim sa Diyos at hiniling ang panalangin ni Padre Pio. Isang umaga ay nagsimba sila at matapos ang misa ay sinabi ni Lei kay Nelson na buksan niya ang bag at tingnan ang resulta ng pregnancy test. Laking gulat nila nang ito ay positive. Napaiyak sila sa tuwa at nagpasalamat sa Diyos. Ang panganay nila ay pinangalanan nilang Pia. Matapos ang 1½ taon, nasundan ito ng isa pang babae na si Haley, at isa pang lalaki na si Arjo. Mga kapanalig, tayo ay tunay na anak ng Diyos at ibinibigay Niya ang makabubuti sa atin. Sabi nga ni Padre Pio, “Pray. Hope. And don’t worry.” Magtiwala tayo ng buong puso at pananalig sa kabutihan ng ating Diyos Ama. Manalangin tayo: Panginoon, bigyan mo kami ng lakas, kaliwanagan at kababaang-loob upang sundin namin ang iyong kalooban sa araw-araw naming pamumuhay.
– Sr. Aida Adriano, fsp l Daughters of St. Paul