Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Setyembre 28, 2025 – Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)

Ebanghelyo: Lucas 16,19-31

Sinabi ni Hesus sa mga Pariseo: “May isang mayaman na nakabihis ng magarang damit at pinong linen at parang piesta ang kanyang buhay araw-araw. Nakahandusay naman sa may pintuan n’ya ang isang dukhang nagngangalang Lazaro. Tadtad s’ya ng sugat at gusto sana n’yang kanin ang mumong nahuhulog sa hapag ng mayaman; sa halip ay mga aso ang lumalapit sa kanya at hinihimuran ang kanyang sugat. At namatay ang dukha at dinala s’ya ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay din ang mayaman at inilibing. Nang nasa impiyerno na s’ya tumingala s’ya sa kanyang pagdurusa at natanaw sa malayo si Abraham at si Lazaro sa piling nito. Kaya’t sumigaw siya: ‘Amang Abraham, maawa ka sa akin at utusan mo naman si Lazaro na isawsaw n’ya sa tubig ang dulo ng kanyang daliri at paginhawahin ang aking dila dahil lubha akong naghihirap sa lagablab na ito.’ ‘Anak, alalahanin mong tinanggap mo na sa buhay mo ang mabuti sa iyo at kay Lazaro naman ang masasama. Kaya s’ya ngayon ang nasa ginhawa at ikaw ang nagdurusa. At isa pa’y malawak na bangin ang hindi matatawid ang itinakda sa pagitan natin. Kaya hindi makatatawid ang mga may gustong pumunta riyan galing dito at hindi rin naman makatatawid ang mula riyan papunta rito.’ ‘Kaya ipinakikiusap ko sa iyo, Ama, na papuntahin mo si Lazaro sa bahay ng aking ama, kung saan naroon ang lima kong kapatid para babalaan sila upang di sila mapunta sa lugar na ito ng pagdurusa.’ ‘Nasa kanila si Moises at ang Mga Propeta, makinig sila sa mga ito.’ ‘Hindi gayon, Amang Abraham; kung isa sa mga patay ang pupunta sa kanila, magsisisi sila.’ ‘Kung hindi nila pakikinggan si Moises at ang Mga Propeta, hindi pa rin sila maniniwala bumangon man ang isa sa mga patay.’”

Pagninilay.

Napansin ba ninyo na kakaiba ang parabolang ikinuwento ni Jesus sa atin sa araw na ito? Pinangalanan niya isang tauhan na hindi karaniwang ginagawa ni Jesus. Walang iba kundi si Lazaro, na ang kahulugan ay “siyang tinulungan ng Diyos”. Kaawa-awa nga naman ang katayuan ni Lazaro na naging pulubi noong nabubuhay pa. Nakalupasay siya sa may pintuan ng mayaman, tadtad ng mga sugat at umasang makapulot kahit mumong nahuhulog mula sa hapag ng mayaman. Ang tanging nagbigay sa kanya ng pansin ay isang asong dumila sa kanyang mga sugat para maibsan ang mga kirot nito.

Hindi binigyan ng pangalan ni Jesus ang taong mayaman na nagtamasa ng marangyang buhay. Malaking tao siya sa lipunan at palaging pinagpupugayan ng mga tao. Magara ang kanyang kasuotan at masasarap ang kanyang pagkain at inumin araw-araw. Hindi sinabi ni Jesus na masamang tao ang mayamang lalaking ito. Wala namang binanggit na nagkamal siya ng kayamanan mula sa marumi o illegal na paraan. Ngunit magkasalungat ang kinahinatnan ng mayamang lalaki kumpara kay Lazaro nang sila’y sumakabilang-buhay. Dinala ng mga anghel si Lazaro sa piling ni Abraham, samantalang humantong sa impiyerno ang mayaman kung saan siya nagdusa. Hanggang sa kabilang buhay, taglay ng mayaman ang mentalidad ng isang senyorito. Nakiusap siya kay Abraham para utusan si Lazaro na isawsaw sa tubig ang dulo ng kanyang daliri at palamigin ang kanyang dila.

Malawak ang bangin na nalikha sa pagitan ni Lazaro at ng mayamang lalaki. Dahil dito, hindi magagawa ni Lazaro ang ipinakiusap ng mayaman. Nagtangka rin siyang papuntahin si Lazaro sa bahay ng ama ng mayamang lalaki para bigyan ng babala ang lima niyang mga kapatid. Sapat na raw ang mga isinulat ni Moises at ang mga sinabi ng mga propeta. Ibig sabihin, pakinggan at isabuhay na lamang nila ang mga turo ng Diyos.

  • Fr. Paul Marquez, ssp l Society of St. Paul