Mt 21:28-32
Sinabi ni Jesus sa mga Punong-pari, mga guro ng Batas at mga Matatanda ng mga Judio: “Ano sa palagay n’yo? May dalawang anak ang isang tao. Lumapit siya sa isa sa at sinabi: ‘Anak, pumunta ka ngayon at magtrabaho sa aking ubasan.’ Sumagit ang anak: ‘Ayoko.’ Ngunit pagkatapos ay nagbagong-isip siya at pumunta. Pinuntahan din ng ama ang pangalawang anak at gayundin ang sinabi. Sumagot naman ang anak: ‘Opo.’ Pero hindi siya pumunta.”
At tinanong sila ni Jesus: “Sino sa dalawang anak ang tumupad sa gusto ng ama?” Sumagot sila: “Ang una.” At sinabi ni Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: mas nauuna sa inyo patungo sa Kaharian ng Langit ang mga publikano at mga babaeng bayaran. Dumating nga si Juan para ipakita sa inyo ang daan ng kabutihan pera hindi kayo naniwala sa kanya, samantalang naniwala naman ang mga publikano at mga babaeng bayaran. Nakita n’yo ito at hindi kayo nagsisi o naniwala sa kanya.”
PAGNINILAY
Sa ating karanasan, mahirap magsabi ng HINDI sa mga taong mahal natin. Kung pwede nga lang, lahat ng kanilang kahilinga’y ibibigay natin. Iniiwasan natin ang makasakit ng damdamin ng kapwa, lalong-lalo na sa mga taong malalapit sa atin. Kung kaya’t minsan, kahit hindi bukal sa ating kalooban, nasasabi natin ang katagang OO. Ito ang kalagayan ng pangalawang anak sa Ebanghelyo natin ngayon. OO ang kanyang naging tugon sa pakiusap ng amang tumulong siya sa kanilang ubasan. Pero, hindi naman siya pumunta. Marahil ayaw lang niyang masaktan ang kalooban ng kanyang Ama. Tunay ngang mahirap magbitiw ng OO kung hindi natin kayang gawin. Dahil ang bawat Oong sinasambit natin, may kaakibat na responsibilidad; may umaasang tutupdin at paninindigan natin ang binitiwang pangako. Mga kapatid, suriin natin ang ating sarili: ilang beses na ba nating nasambit ang katagang OO sa ating sarili, sa ating pamilya, sa ating mga kaibigan – pero, hindi naman natin pinanindigan. Ilang pangako na ang hindi natin tinupad; ilang tungkulin ang hindi ginampanan; at ilang kasal at pamilya na ang nabuwag – dahil sa hindi pinanindigang OO. At ilang beses na rin ba tayong nangako sa Panginoon na magbagong-buhay, at iiwasan ang pagkakasala, pero hindi natin tinupad. Manalangin tayo. Panginoon, patawarin Mo po ako sa maraming pagkakataong nasaktan kita sa aking kapwa dahil sa mga pangakong hindi ko natupad. Amen.
