Lk 7:18b-23
Ibinalita ng mga alagad ni Juan ang lahat ng ito [mga himalang ginawa ni Jesus] sa kanya kaya tinawag ni Juan ang dalawa sa kanyang mga alagad at sinugo sila sa Panginoon para sabihin sa kanya: “Ikaw na ba ang Dumarating o maghihintay pa kami ng iba?” Pagdating ng mga taong iyon kay Jesus, sinabi nila: “Ipinasasabi sa iyo ni Juan Bautista: Ikaw na ba ang Dumarating o maghihintay pa kami ng iba?”
Nang mga sandali namang iyo’y marami siyang pinagaling sa mga sakit, mga karamdaman at masasamang espiritu, at binigyan niya ng paningin ang mga bulag. Kaya sumagot siya sa kanila: “Bumalik kayo at ibalita kay Juan ang inyong nakita at narinig: nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, luminis ang mga ketongin at nakakarinig ang mga bingi, nagigising ang mga patay, may mabuting balitang ipinahahayag sa mga dukha. At napakapalad niyang hindi natitisod dahil sa akin.”
PAGNINILAY
Sa Ebanghelyong ating narinig, kapansin-pansing hindi kaagad naniwala si Juan Bautista sa mga balitang nasagap tungkol kay Jesus. Kung kaya’t sinugo niya pa ang kanyang mga alagad na puntahan si Jesus para itanong kung siya na nga ba ang kanilang hinihintay. Di natin masisi si Juan kung ganito ang kaniyang naging reaksyon. Dahil tulad natin, nais lang niyang makasiguro, nais niya lamang malaman ang katotohanan. Bumalik ang mga alagad ni Juan dala-dala ang napakagandang sagot ni Jesus sa kanila. “Iparating ninyo kay Juan kung ano ang inyong nakita’t narinig tungkol sa akin: Nakakikita ang mga bulag, nakalalakad ang mga pilay, nakaririnig ang mga bingi at gumagaling ang mga ketongin.” Tunay ngang ang mga salita at gawa ni Jesus ang nagpatotoo na Siya na ang pinakahihintay – ang ipinangakong Tagapagligtas at wala ng iba pa. Kitang-kita ng mga alagad ni Juan ang mga kababalaghang ginawa ni Jesus, at napatunayan nilang totoo ang mga nasagap nilang balita tungkol sa Kanya. Mga kapatid, anong aral ang nais ituro sa atin ng Mabuting Balita? Ang kahalagahan ng pagiging magkatugma ng ating salita at gawa. Magaling man tayong magsalita, walang saysay ito kung hindi naman nakikita sa gawa. Hilingin nating matularan si Jesus, dahil nasasalamin sa Kanyang gawa ang Kanyang salita. Panginoon, tulungan Mo po akong maging buhay na saksi ng Iyong paghahari sa kasalukuyang panahon. Maisabuhay ko nawa ang mabubuting salitang namumutawi sa aking mga labi. Amen.
