Lk 7:24-30
Nang makaalis na ang mga sugo ni Juan, nagsimulang magsalita si Jesus sa mga tao tungkol kay Juan: “Ano ang pinuntahan ninyo sa disyerto para Makita? Isang kawayang hinahampas-hampas ng hangin? Ano ang pinuntahan ninyo? Isang lalaking magara ang bihis? Nasa palasyo nga ang mga taong magagara ang bihis at napakasarap ang pagkain. Ano nga ba ang pinuntahan ninyo? Isang propeta? Tama. At sinasabi ko sa inyo na higit pa sa isang propeta. Siya ang binabanggit sa Kasulatan: ‘Pinauna ko sa iyo ang aking sugo upang ihanda ang daan sa harap mo.’
“Sinasabi kong wala nang hihigit pa kay Juan sa lahat ng mga anak ng babae pero higit pa sa kanya ang pinakamaliit sa Kaharian ng Diyos.”
(Tumanggap nan g binyag ni Juan ang lahat ng taong nakaririnig kay Jesus pati na ang mga publikano, at kinikilala nila ang Diyos. Hinahadlangan naman ng mga Pariseo at mga guro ng Batas ang kalooban ng Diyos sa di nila pagpapabinyag kay Juan.)
PAGNINILAY
Narinig natin sa Ebanghelyo na tumanggap na ng binyag mula kay Juan Bautista ang lahat ng kumikilala sa Diyos, kasama na ang mga publikano at mga makasalanan. Ang mga Pariseo at mga guro ng batas na lamang ang hindi handang tanggapin ang kalooban ng Diyos. Marahil, nararamdaman nila na may mas marunong at mas mataas pa sa kanila. Isang bagay na di nila kayang tanggapin. Ilan ba sa atin ang may ugaling katulad ng mga Pariseo at eskriba? Hindi natin kayang tanggapin na may mga taong mas nakahihigit ang kakayahan kaysa sa atin. Na may taong mas maabilidad, masigasig at mas maraming alam gawin kaysa sa atin. Kapag hindi tayo natutuwa sa kanilang presensya, ni hindi natin kinikilala ang kanilang kakayahan, kinakain tayo ng ating pride at marahil inggit dahil hindi hamak na mas magaling sila kaysa sa atin. Kung magkagayon, hindi tayo nalalayo sa mga Pariseo sa Ebanghelyo ngayon na hindi interesadong magpabinyag kay Juan bunsod na rin marahil sa inggit na naramdaman nila kay Juan. Mga kapatid, hinahamon tayo ng Mabuting Balita ngayon na huwag tularan pagmamataas ng mga Pariseo. Sa halip hingin sa Diyos ang biyayang matularan si Juan sa kanyang sa kababaang-loob. Ang pagiging mababang-loob, isang napakainam na paghahanda sa pagdating ng ating Tagapagligtas. Ang Panginoong Jesus mismo, na ating Diyos na nagkatawang-tao, ang ating ganap na huwaran ng kababaang-loob. Pati na si Juan na itinampok ng Panginoon ngayon bilang higit pa sa isang propeta.
