Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Oktubre 3, 2025 – Miyerkules | Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Ebanghelyo: Lucas 10, 13-16

Sinabi ni Hesus, “Sawimpalad ka Corazin! Sawimpalad ka Betsaida! kung sa Tiro at Sidon nangyari ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sana siyang nag damit sako at naupo sa abo at nakapagbalik loob. Kaya magaan pa ang sasapitin ng Tiro at Sidon kaysa inyo sa araw ng pag hatol. At ikaw naman Capernaum, dadakilain ka, kaya hanggang sa langit? Hindi ibubulid ka sa impyerno. Ako ang dinidinig ng nakikinig sa inyo; at ako ang di tinatanggap ng di tumatanggap sa inyo. At ang di tumatanggap sa akin ay di tumatanggap sa akin”.

Pagninilay:
Matindi ang babala ni Hesus sa mga bayan ng Corazin, Bethsaida, at Capernaum. Hindi dahil wala silang nakita sa mga ginawa ni Hesus, kundi dahil marami na silang nakita ngunit nanatiling sarado ang kanilang puso. Nakita nila ang mga himala, narinig ang mga aral, ngunit hindi sila nagsisi. Para bang sinabi ni Hesus: “Hindi sapat na makakita, kailangan ding maniwala at magbago.” Madali tayong tumingin sa kanila at manghusga. Pero kung tutuusin, ‘di ba kadalasan ganoon din tayo? Ilang beses na tayong binigyan ng Diyos ng pagkakataong magbago – sa pamamagitan ng ating mga pagkakamali, mga pagsubok, o sa sinabi ng ibang tao – pero pinili pa rin nating manatili sa dating gawi. Gaano karaming biyaya at paalala ang dumarating sa atin araw-araw. Nakukun-tento ba tayo sa pakikinig lamang at hindi sa pagsasabuhay?

Palaging pinapaalalahanan si Mang Berto na bawasan ang alak at sigarilyo para sa kanyang kalusugan. Lagi niyang sagot: “Saka na; bata pa naman ako.” Hanggang sa dumating ang araw na tinamaan na ang kanyang baga; mabilis siyang nanghina at nangayayat. Noon lang niya naisip: “Sayang, sana nakinig ako noon.” Ganito rin ang babala ni Hesus – hindi upang takutin tayo, kundi upang iligtas tayo bago pa mahuli ang lahat. Napakahalaga ng sinabi ni Hesus: “Ang nakikinig sa inyo’y nakikinig sa akin.” Kapag nakikinig tayo sa mabubuting payo ng ating mga magulang, guro, o sa homiliya ng pari, si Hesus mismo ang nagsasalita sa pamamagitan nila. Ngunit kapag tinatanggihan natin sila, Siya rin ang ating tinatanggihan.

Mga kapanalig huwag nating hintaying mahuli ang lahat. Malinaw ang paanyaya ni Hesus: Makinig. Magbago. Magsisi. Sa puso na handang magpakumbaba, biyaya ng Diyos ang tiyak na dadaloy. Nasa pusong handang magbalik-loob ang tunay na himala.

– Sr. Deedee Alarcon, fsp l Daughters of St. Paul