Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Oktubre 8, 2025 – Miyerkules, Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Ebanghelyo: Lucas 11, 1-4

Isang araw, nananalangin si Hesus sa isang lugar at pagkatapos niya’y sinabi sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad: “Panginoon, turuan mo kaming manalangin kung papaanong tinuruan ni Juan ang kanyang mga alagad.” At sinabi ni Hesus sa kanila: “Kung mananalangin kayo, sabihin ninyo: “Ama, sambahin ang ngalan mo, dumating ang Kaharian mo, bigyan mo kami araw-araw ng pagkaing kailangang-kailangan namin, patawarin kami sa aming mga sala; tingnan mo’t pinatatawad din namin ang lahat ng may utang sa amin, at huwag mo kaming dalhin sa tukso.”

Pagninilay:

Matibay na sandigan ang mayamang buhay-panalangin hindi lamang sa oras ng tagumpay at saya, kundi lalo na sa mga panahong ang bigat-bigat ng mga pasanin natin. Walang katumbas na yaman ang biyayang makipag-usap sa Panginoon. Sino ang nagturo sa iyong manalangin, kapanalig? Na-influence ako ng prayer life ng aking lola, ina at mga tiyahin. Madalas kong nakikitang nagrorosaryo sina Mommy…nagno-novena at ‘di pumapalya sa pagsimba ‘pag araw ng Linggo. Pero labis na tumatak sa akin ang dasal ng lola ko. Simpleng dasal sa umaga at sa gabi na hanggang ngayon ay dinarasal namin ng aking mga kapatid at pamilya. May isa pang gawain ang lola ko na noong una ay hindi maintindihan ng mura kong isip. Sa anuma’ng balitang matanggap niya, masaya man o malungkot, ang unang katagang lumalabas sa bibig niya ay “Salamat sa DIyos!” Isip-isip ko… “Bakit laging salamat sa DIyos?” eh nadapa si Toto; o nasiraan ng sasakyan si Pepe. O napa-away si Maning? Later on, I realized. It was her prayer too. She is thanking God for everything… good or bad. Hindi nag-aral sa exclusive Catholic School ang lola ko. Pero tumatak sa puso ko ang kanyang simpleng panalangin.

Fast forward: Inaya ko ang mga apo ko na magdasal. Mga 5 years old sila noon. Eagerly, lumuhod sila sa harap ng altar, nag-antanda at ang sabi: “Bless us, O Lord, and these thy gifts which we are about to receive from thy bounty, through Christ our Lord Amen.” Natawa ako pero ‘di ko pinahalata. ‘Di ko rin pinuna. Hinayaan ko na lang at baka mapahiya. Pero noong nag-iisa na ako, naisip ko: Oo nga, bakit hindi? ‘Di ba dapat nagpapasalamat sa lahat ng grasya sa lahat ng oras at di lamang bago kumain?’    Karugtong ito ng “Salamat sa Diyos ni Inay.” Salamat, Inay! Ikaw ang unang nagturo sa akin na laging magpasalamat, kahit ano pa man ang mangyari. Ang simpleng dasal mo ay naipamana ko sa mga anak ko …nawa’y maipasa nila sa mga anak nila. Manalangin tayo ng dasal ni Inay: Salamat po sa inyo, Panginoon naming Diyos, sinapit po kami nang mahal na umaga (o gabi), sapitin po naman ng mahal na gabi (o umaga), walang sakit, karamdaman ng katawan, kaparis nang dati, marunong magsilbi, una po sa inyo, pangalawa sa aming mga magulang. Amen.

APC Lulu Pechuela