Ebanghelyo: Lucas 11, 5-13
Sinabi ni Hesus sa Kanyang mga alagad: “Ipalagay nating may kaibigan ang isa sa inyo at pinuntahan mo s’ya sa hatinggabi at sinabi: ‘Kaibigan, pahiram nga ng tatlong pirasong tinapay dahil kararating lang mula sa biyahe ng isa kong kaibigan at wala akong maihain sa kanya.’ At sasagutin ka siguro ng nasa loob: ‘Huwag mo na akong gambalain. Nakatrangka na ang pinto at nakahiga na kami ng mga bata; hindi na ako maaaring tumayo upang bigyan ka.’ Sinasabi ko sa inyo, kung hindi man s’ya bumangon para magbigay dahil sa pakikipagkaibigan, babangon pa rin s’ya at ibibigay sa iyo ang lahat mong kailangan dahil sa iyong pagpupumilit sa kanya. Kaya sinasabi ko sa inyo: humingi at kayo’y bibigyan, maghanap at matatagpuan ninyo, kumatok at bubuksan ang pinto para sa inyo. Talaga ngang tumatanggap ang humihingi, nakakatagpo ang naghahanap at pinagbubuksan ang kumakatok. Sino sa inyo ang amang magbibigay ng ahas sa kanyang anak kung isda at hindi ahas ang hinihiling nito? Sino ang magbibigay ng alakdan kung itlog ang hinihingi? Kaya kung kayo mang masasama’y marunong magbigay ng mabuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang Ama mula sa Langit? Tiyak na ibibigay n’ya ang banal na Espiritu sa mga hihingi sa kanya.”
Pagninilay:
Ang kuwento sa pagbasa ngayon ay tungkol sa isang tao na pumunta sa bahay ng kanyang kaibigan upang humingi ng tinapay. Pero, hindi bumangon ang may-ari ng bahay dahil gabi na. Kaya, patuloy siyang kumatok sa pinto hanggang sa bumangon ang kaibigan at binuksan ang pinto. Binuksan niya ang pinto hindi dahil sa kanilang pagkakaibigan, kundi dahil sa pagpupursige niya sa pagkatok. Sinasabi ni Hesus na hindi nag-aatubili ang Diyos Ama sa pagsagot sa bawat katok ng ating panalangin. Mapagmahal siyang Ama na laging handang magbukas ng pinto. Humingi, maghanap, at kumatok. Paanyaya ito sa bawat isa sa atin na suriin kung ano ang hinihiling natin sa panalangin. Ano ba ang ating mga pangangailangan, kinata-takutan, at inaasam? Hinahanap ba natin ang Diyos lalo na sa ating pang-araw-araw na buhay? Minsan, parang wala namang nangyayari kahit tayo’y nagdarasal. Gayun-paman, patuloy tayong manalangin. Maging matiyaga tayo. Alam ng puso ng Diyos Ama kung ano talaga ang kailangan natin. Kung marunong mag-alaga ang isang ama sa kanyang mga anak, gaano pa kaya ang Ama natin sa langit? Minsan ang tugon sa ating dasal ay maaaring “oo;” minsan naman ay “hindi pa muna.” Pero minsan “narito ang isang bagay na mas mainam.” Nawa’y huwag tayong tumigil sa pagkatok dahil nananalig tayong laging bukas ang pinto ng Ama para sa atin. Amen.
- Sr. Imelda Samuing, fsp l Daughters of St. Paul