Ebanghelyo: Lucas 17, 11-19
Habang papunta si Hesus sa Jerusalem, dumaan siya sa hangganan ng Samaria at Galilea. At pagpasok niya sa isang nayon, may sampung lalaking may ketong ang lumabas para salubungin siya. Tumayo ang mga ito sa malayo at tumawag nang malakas: “Hesus, Guro, maawa ka sa amin.” At sinabi naman sa kanila ni Hesus. “Umalis kayo at humarap sa mga pari.” At nangyari na gumaling sila habang naglalakad. Isa sa kanila ang agad na nagbalik nang makita niyang gumaling siya, at pasigaw niyang pinuri ang Diyos. Nagpatirapa siya sa paanan ni Hesus, sa pagpapasalamat sa kanya. Isa siyang samaritano. Kaya sinabi ni Hesus: “Tumayo ka, iniligtas ka ng iyong pananampalataya.”
Pagninilay:
May itinatago ka bang nakakahawang sakit? Mahirap at nakakahiyang makihalubilo sa mga tao kung may nakakahawa kang sakit. Mahirap ang kalagayan ng isang taong may nakakahawang sakit. Una, nakakaranas siya ng kahihiyan. Pangalawa, nakakaranas siya ng diskriminasyon sa lipunan, at pagka-awa sa kanyang sarili.
Sa kapanahunan ng ating Panginoong Hesukristo, ang ketong ay isang nakakahawang sakit. Itinuturing itong hindi lang pisikal na sakit kundi isang sakit na espiritwal. Itinuturing ding makasalanan ang isang ketongin. Kaya kapag dumarating siya, kailangan niyang sumigaw na siya ay marumi habang malayo pa upang iwasan siya ng mga tao.
Sa Mabuting Balita, nakita natin na merong sampung ketongin ang humiyaw kay Hesus: ”Hesus! Panginoon, mahabag po kayo sa amin!” At pinagaling niya ang mga ito. Hindi inalintana ni Hesus kung siya ay mahawaan ng ketong o maituring na isang makasalanan din sa mata ng mga Hudyo. Ang importante kay Hesus ay maipadama ang awa, habag at pagmamahal ng Diyos sa kanila.
Hindi ang mga ketongin ang nakahawa ng sakit kay Hesus. Ngunit si Hesus ang nakahawa ng kanyang kabanalan sa kanila nang mapagaling niya sila. Mga kapanalig, naranasan nating lahat tayo ang awa, habag, at pagmamahal ng Diyos. Nakaranas din tayo ng kabanalan ng Diyos sa ating buhay. Inaanyayahan tayo ng mabuting balita ngayon na imbes na ketong ng galit, diskriminasyon o anumang uri ng kasalanan, mas ikalat natin at hawaan ang iba ng pagmamahal, awa, habag at kabanalan ng Diyos. Kagaya ng isang samaritanong ketongin, matuto rin tayong magpasalamat sa Diyos sa mga biyayang tinatanggap natin mula sa kanya.
- Fr. Sebastian Gadia, ssp l Society of St. Paul