Ebanghelyo: Lucas 11, 42-46
Sinabi ni Hesus: “Sawimpalad kayong mga Pariseo! Nagbabayad nga kayo ng ikapu ng yerbabuena at ng ruda at ng lahat ng gulay, at pinababayaan n’yo naman ang katarungan at ang pag-ibig sa Diyos. Ito nga ang dapat gawin nang di kinaliligtaan ang mga iyon. Sawimpalad kayong mga Pariseo! Gusto n’yong mabigyan ng pangunahing upuan sa sinagoga at mabati sa mga liwasan. Sawimpalad kayo, na parang mga nakatagong libingan, na inaapakan ng mga tao at hindi man lang nila namamalayan.” Nagsalita ang isang guro ng Batas: “Guro, iniinsulto mo rin kami sa pagsasabi mo ng mga ito.” At sinabi ni Hesus: “Sawimpalad din kayong mga guro ng Batas! Ipinapapasan n’yo sa mga tao ang mga napakabibigat na pasanin, at hindi man lang n’yo hinihipo ang pasanin ng kahit isang daliri.”
Pagninilay:
Minsan ko pong tinanong ang isang college student matapos ang aking recollection, “Ano ba ang iyong natutunan?” Aniya, marami po, pero nais ko lang magsabi ng isang tanong na alam kong mahirap o wala ring sagot: “Ang hirap sigurong maging Diyos. ‘Yun nga lang isang tao na mamahalin, mahirap na e (sa mag-asawa o mag-jowa), paano pa kaya kung Diyos ka? Iintindihin mo, kikilalanin mo, at pagpapasensyahan mo ang bawat tao. Mahirap ‘yun.”
Napatulala at napaisip din po ako. Pero iniisip ko rin, How dare us! Ang Diyos na walang sawang nagmamahal, sinusuklian natin ng sakit, dagok, atbp., dahil sa ating pagkamakasalanan. Mga kapanalig, kung tutularan lang natin ang santa na ipinagdiriwang natin ngayon – si Sta. Teresa ng Avila – siguro mas maipamamalas natin ang pag-ibig natin sa Diyos. Hindi tayo magpapadaig, hindi tayo matatakot, alam nating walang kabuluhan ang lahat maliban sa Diyos. At kung tayo’y sumasa-Diyos – sapat na iyon, wala na tayong hahanapin pa.
Sana hindi tayo matulad sa mga taong tinawag ni Hesus sa ating Ebanghelyo na kahiya-hiya, silang mga alam lamang kung paano mahalin ang Diyos pero hindi nakita sa kanilang galaw at pamumuhay. Amen.