Ebanghelyo: Lucas 12, 13-21
Sinabi kay Hesus ng isa sa karamihan: “Guro, sabihin mo nga sa aking kapatid na hatian ako ng mana.” Ngunit sinabi ni Hesus sa kanya: “Kaibigan, sino ang nagtalaga sa akin bilang hukom o tagapaghati ninyo? “At sinabi niya sa mga tao: “Mag-ingat kayo at iwasan ang bawat uri ng kasakiman sapagkat magkaroon man ng marami ang tao, hindi sa kanyang mga ari-arian nakasalalay ang kanyang buhay.” At idinagdag pa ni Hesus ang isang talinhaga: “May isang taong mayaman na maraming tinubo sa kanyang lupain. Kaya nag-isip-isip siya: ‘Ano ang aking gagawin? Wala man lang akong mapagtipunan ng aking ani.’ At sinabi niya: ‘Ahh Ito ang aking gagawin, gigibain ko ang aking mga bodega at magtatayo ako ng mas malalaki; doon ko titipunin ang lahat kong trigo at ang iba pa. At masasabi ko na sa aking sarili: Kaibigan, may marami kang ari-ariang nakalaan para sa maraming taon. Magpahinga ka, kumain, uminom at magsaya.’ Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos: ‘Hangal! Sa gabi ring ito, babawiin sa iyo ang iyong buhay. Mapapasakanino na ang iyong inihanda?’ Gayon din ang masasabi sa sinumang nag-iimpok ng yaman para sa kanyang sarili at walang tinitubo para sa Diyos.”
Pagninilay:
Kaya mo bang bilangin ang sana’y karapatan mo, pero ipinagkakait sa iyo? Halimbawa, ang mag-enjoy sa environment ng school, eh kaso, baha. Walang pasok. Ang mapunuan ang karalitaan, kaso walang naihahatid na tulong. ‘Yun palang naipagkakait sa atin, inagaw na ng iba. Nag-eenjoy sa corruption. ghost projects. panunuhol. nepotismo. Ayon sa survey sa ating bansa, 30% ng budget ang nawawala. Isipin mo ‘yon. Tatlong piso sa bawat sampu, hindi napunta sa flood control projects, o sa naghihikahos? Saang bulsa napunta? Ramdam nating lahat ang mga napagkakaitan. Pero ano nga ba ang mahalaga? Ang maging hangal o maringal? Hangal ang tawag sa mayaman sa talinhaga. Kinalimutan ang pag-iimbak para sa Diyos at kapwa. Laging pakabig ang yaman dahil deserve niya. Maringal naman ang tawag sa may dangal, may prinsipyo, makatarungan. Walang luho. May banal na takot sa Diyos at concern sa kapwa. Magagawa kaya nating simulan ito? Kahit small projects lang.
Kapanalig, maging transparent at accountable. Maghihintay pa ba tayo sa iba? Kung hindi tayo, sino? Kung hindi dito, saan? Kung hindi ngayon, kailan?
- Sr. Gemmaria Dela Cruz, fsp l Daughters of St. Paul