Ebanghelyo: Lucas 18, 1-8
Pagninilay:
Sa parabola ngayon, tinuruan ni Hesus ang mga alagad na huwag manghinawa sa pananalangin. Hindi dapat ikumpara ang hukom sa Diyos. Walang pagpapahalaga ang hukom sa Diyos at sa anumang sasabihin ng mga tao. Inilalarawan ni Hesus ang mapait na katotohanan na may mga taong nakaluklok sa puwesto na sarili lang ang isinasaalang-alang. Ang puwesto nila ay para lamang sa sarili nilang pakinabang.
Akala ng hukom, magsasawa ang biyuda sa pagbabalik-balik, ngunit lumalabas na walang pantapat ang pagtitimpi ng hukom sa pangungulit ng biyuda. Mataas ang pride ng hukom. Ayaw niyang pagbigyan ang biyuda pero dahil sa pagpupumilit nito, napahinuhod siya na ibigay sa biyuda ang nararapat. Bakit? Sapagkat higit na makapangyarihan ang hawak ng biyuda kaysa pride o pagmamataas ng hukom. Alam ng biyuda na nasa tama siya at kung maibibigay sa kanya ang pagkakataon, magliliwanag ang katotohanan na siya ang nasa matuwid. Mauugnay natin ito sa ipinahayag ni Hesus: “Mapalad ang mga mapagkumbaba, sapagkat tatamuhin nila ang ipinangako ng Diyos.”
Nasa dulo ng ebanghelyo ang tanong para sa ating lahat: “Ngunit pagdating ng Anak ng Tao sa daigdig na ito, may makikita kaya siyang nananalig sa kanya?” Hangad ng Diyos ang ikabubuti nating lahat. Pero, hindi natin makakamit ang magandang pagbabago sa ating sarili, pamilya, lipunan at bansa kung hindi tayo magtitiyagang tumawag sa Diyos at tumayo sa panig ng totoo at matuwid.
Manalangin tayo: Tulungan mo kami, O Diyos, na mamuhay sa liwanag at bigyan mo kami ng lakas ng loob na ibunyag ang mga masasamang nagkukubli sa dilim ng kasalanan.
- Fr. Paul Marquez, ssp l Society of St. Paul