Ebanghelyo: Lucas 12, 54-59
Sinabi ni Hesus sa mga tao: “Kapag nakita n’yong tumataas ang ulap sa kanluran, kaagad n’yong sinasabi, ‘Uulan,’ at ganoon nga ang nangyayari. At kung umiihip naman ang hangin galing timog, sinasabi n’yong ‘Magiging napakainit,’ at nangyayari nga ito. Mga mapagkunwari! Nabibigyan n’yo ng kahulugan ang anyo ng lupa at Langit ngunit bakit hindi n’yo sinusuri kung ano ang panahong ito? At bakit hindi kayo mismo ang makapagpasya kung ano ang tama? Sa pagpunta mo sa maykapangyarihan kasama ng kalaban mo, sikapin mong makipag-areglo sa kanya sa daan; baka iharap ka sa hukom at ibigay ka naman ng hukom sa pulis para ipakulong sa bilangguan. Sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas doon hanggang hindi mo nababayaran ang kahuli-huling sentimo.”
Pagninilay:
Sa buhay, madalas gusto nating magtagumpay—wala pong problema ‘yun. Gagawin nating maigi ang ating trabaho, sana mapromote. Mag-aaral tayong maigi para matuto—sana makagraduate, sana matuto—okay ‘yun! Pero, aminin man natin o hindi, ‘pag tungkol sa Diyos na ang pag-uusapan, huli tayo o last resort siya.
Naalala ko ang isang kaibigan, hindi naman daw siya pala-dasal. Pero isang araw, dahil “kailangan niya ang Diyos,” nagsimba siya para pumasa sa board exam. Pumasa po siya, at talagang hiyang-hiya siya sa Diyos! Aniya: “Kuya, minsan nga lang ako lumapit, pinagbigyan niya pa ako!” Sabi ko, “Ayaw mo nun? Mas gusto mo ba bagsak ka? Kaya magdasal ka.”
Ito po ang hamon sa atin ng Mabuting Balita ngayon, mga kapanalig: na kung gaano tayo listo sa mga bagay ng mundong ito, maging listo rin tayo sa mga bagay na maka-Diyos at makalangit. Hindi naman siya malayo, hindi naman siya Diyos na nag-pabaya sa atin. Siya’y Diyos na patuloy na gumagabay at kasama natin, kailangan lamang natin siyang muling tagpuin, tingnan, at kausapin.
– Rev. Vinz Arellano, ssp l Society of St. Paul