Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Oktubre 23, 2025 – Huwebes, Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I) | Paggunita kay San Juan Capistrano, pari

Ebanghelyo: Lucas 12, 49-53

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Dumating ako upang maghagis ng apoy sa lupa, at ganoon na lamang ang pagnanais kong magliyab na sana ito! Ngunit dapat akong mabinyagan ng isang binyag, at ganoon na lamang ang pagkabalisa ko hanggang hindi ito nagaganap! Sa akala ba n’yo dumating ako para magbigay ng kapayapaan sa lupa? Hindi, sinasabi ko sa inyo, kundi paghihiwa-hiwalay! Pagkat mula ngayo’y magkakahati-hati ang limang nasa sambayanan, tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo; magkakahati-hati sila; ama laban sa anak na lalaki at anak na lalaki laban sa ama, ina laban sa anak na babae at anak na babae laban sa ina, biyenang babae laban sa kanyang manugang na babae at manugang na babae laban sa biyenang babae.”

Pagninilay:

Tubig at Langis: dalawang substance na kahit kelan ay hindi pwedeng pagsamahin. Kahit ilagay mo ito sa isang bote, hinding-hindi sila maghahalo. Ito ang naisip kong simbolo ng mensahe ni Hesus sa ating Mabuting Balita ngayon. Paanong si Hesus na tinatawag na Prinsipe ng Kapayapaan ay hindi naman pala kapayapaan ang dala kundi “pagtutunggalian”? Kapanalig, ang pagsunod kay Hesus ay nangangailangan ng matatag na paninindigan at mapanagutang desisyon. Dahil ang pananahimik sa gitna ng kadiliman at kasinungalingan ay parang pagbibigay na rin ng pahintulot na lumaganap ang kasamaan. Kung gusto nating paghariin ang katotohanan, kailangan nating labanan ang naghahasik ng fake news at disinformation. Hindi tayo maaring manatili sa gitna lamang at sabihing, “Neutral kami. Ayaw naming makisawsaw sa gulo nila.”

Kapanalig, ang pananahimik sa gitna ng mainit na issue ng corruption sa flood control projects at iba pang proyekto ng gobyerno ay pagkunsinti sa pagnanakaw sa kaban ng bayan. Maluho at marangya ang pamumuhay ng pamilya ng mga contractor na naka-umit ng billiones mula sa mga patrabaho ng gobyerno, na nakikita natin sa social media. Red flag ito ng corruption na maaring kinasasangkutan ng kanilang mga magulang. Kapanalig, ito ang sinasabi ni Hesus na hindi kapayapaan ang hatid niya sa ganitong sitwasyon. Kailangan nating labanan ang katiwalian, manindigan sa katotohanan, at ituwid ang mga pagkakamali kung nais nating pagharian tayo ni Hesus at mapuspos tayo ng kanyang kapayapaan.

  • Sr. Lourdes Ranara, fsp l Daughters of St. Paul