Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Oktubre 21, 2025 – Martes, Ika – 29 na Linggo ng karaniwang Panahon l Luntian

Ebanghelyo: Lucas 12: 35-38

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Maghintay kayong bihis at handang maglingkod, na may nakasinding mga lampara. Maging tulad kayo ng mga taong naghihintay sa kanilang Panginoon. Pauwi s’ya mula sa kasalan at agad nilang mabubuksan ang pinto pagdating niya’t pagkatok. Mapalad ang mga lingkod na iyon na matatagpuang naghihintay sa panginoon pagdating niya. Maniwala kayo sa akin, isusuot niya ang damit pantrabaho at pauupuin sila sa hapag at isa-isa silang pagsisilbihan. Dumating man siya sa hatinggabi o sa madaling-araw at matagpuan niya silang ganito, mapalad ang mga yon!”

Pagninilay:

Uso ba ang pagsa-sharon noong panahon ni Hesus? Na-curious lang po ako. Kasi, sa Mabuting Balita ngayon, sabi ni Hesus: “Maging handa kayo at sindihan ang inyong mga ilawan. Tumulad kayo sa mga taong naghihintay sa pag-uwi ng kanilang panginoon mula sa kasalan, para pagdating niya ay mabuksan agad ang pinto. Mapalad ang mga lingkod na abutang nagbabantay pagdating ng kanilang panginoon.”

Noong panahon po ni Hesus, karaniwang tumatagal ng hanggang pitong araw ang pagdiriwang ng kasal ng mga Judio. Kasi, maliban sa piging, merong sayawan, at iba pang mga kasiyahan at tradisyon upang parangalan ang bagong kasal. Ganito ‘yung nangyari sa Kasal sa Cana sa Ebanghelyo ni Juan, kung saan naubos ang alak pagkalipas ng mahabang panahon ng pagdiriwang.

Sa talinhaga ngayon, sinasabi ni Hesus na kung tapat, nakahanda at matiyagang naghihintay sa pagdating ng panginoon ang mga lingkod, sila ang paglilingkuran niya. “Maghahanda raw siya, padudulugin sila sa hapag, at maglilingkod sa kanila.” Hindi ba ganito rin tayong mga Pilipino? Gusto nating makatikim ang ating mga kapamilya na hindi nakadalo sa anumang handaan kaya’t nagbabalot tayo? Kaya nga po naisip ko, na marami siguro siyang bring home o sharon mula sa handaan. Pero ang kakaiba ay yung panginoon o amo ang maglilingkod sa mga katulong. Ihahain niya ang dala-dala niya sa kanyang mga lingkod, pauupuin sila sa mesa at paglilingkuran sila.

Kaya hindi po pagsa-sharon ang itinuturo ng Mabuting Balita ngayon, kundi kailangang laging maging handa, matapat at matiyagang naghihintay sa Panginoon. Kasi, araw-araw siyang dumarating sa ating buhay na may dalang pagpapala. Nakahanda ba tayong tanggapin ang mga ito? inaasahan niya na gagamitin nating mabuti ang mga biyayang ibinibigay niya sa atin. Napakalaking responsibilidad po nito. At kadalasan, kapag wala o malayo ang bantay o amo, ang tukso ay ipagpaliban muna ang alam nating dapat gawin natin ngayon. O masahol pa, ang magmalabis at nakawin ang pag-aari ng amo o pinaglilingkuran.

Kapatid/Kapanalig, tapat ka ba sa iyong tungkulin o trabaho, sa iyong asawa, sa Panginoon? Nagpapasalamat ka ba sa mga biyayang patuloy niyang inihahanda para sa iyo araw-araw? Our God is the God of surprises! Hindi natin alam kung kailan siya darating para sunduin tayo. Handa ka bang salubungin siya at magbigay ng accounting ng iyong pangangasiwa?

–  Sr. Rose Agtarap, fsp l Daughters of St. Paul