Ebanghelyo: Lucas 12, 39-48
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Isipin n’yo ito: kung nalaman lamang ng may-ari ng bahay kung anong oras ng gabi ang dating ng magnanakaw, hindi sana niya pababayaang looban ang kanyang bahay. Kaya maging handa kayo dahil dumarating ang Anak ng Tao sa oras na hindi n’yo inaakala.” Sinabi ni Pedro: “Panginoon, kanino mo ba sinasabi ang talinhagang ito, sa amin ba o sa lahat?” Sumagot ang Panginoon: “Isipin n’yo ito: may tapat at matalinong katiwala na pangangasiwain ng panginoon sa kanyang mga tauhan para bigyan sila ng rasyon sa tamang oras. Kung sa pagdating ng kanyang panginoon ay matagpuan siya nitong tumutupad nang gayon, mapalad ang lingkod na iyon. Talagang sinasabi ko sa inyo, pangangasiwain siya nito sa lahat nitong ari-arian. Ngunit maaari namang maisip ng lingkod na iyon: ‘Matatagalan pang dumating ang ang aking panginoon’ at simulang pagmalupitan ang mga utusang lalaki at babae, at kumain, uminom at maglasing. Ngunit darating ang panginoon ng lingkod na iyon sa araw na hindi inaasahan at sa oras na hindi niya nalalaman. Palalayasin niya ang katulong na ito at pakikitunguhang gaya ng mga di-dapat. Maraming hampas ang tatanggapin ng katulong na nakaaalam sa kalooban ng kanyang panginoon pero hindi naghanda ni sumunod sa kalooban niya. Kaunti lang naman ang tatanggapin ng walang nalalaman sa kalooban niya pero gumawa ng mga bagay na dapat parusahan. Hihingan nga ng marami ang binigyan ng marami at hihingan nang higit ang pinagkatiwalaan nang higit.”
Pagninilay:
May kilala ka bang perpektong tao dito sa mundo sa kasalukuyan? Ako, wala. Meron akong kaibigan na Perpekto ang pangalan pero hinde pa rin siya perpekto. Totoo namang walang perpekto dito sa mundo. Wala ring perpektong relasyon, pamilya o komunidad. Lahat tayo ay hindi perpekto. Maraming beses na akong nakapag-misa sa patay. Kadalasan naririnig ko ang pagsisisi ng ibang miyembro ng pamilya ng namatay. Minsan sinasabi ng mga anak: ”Father, sana man lang bago nawala si mama o si papa, nag-sorry na ako. Father, bago man lang sana namatay si Papa o si Mama, nayakap ko sila. Father, bago man lang sana nawala si Papa o si Mama, nasabi ko kung gaano ko sila ka-mahal.”
Mga kapanalig, inaanyayahan tayo ng ating ebanghelyo ngayon na magkaroon ng sense of urgency. Ang sense of urgency na ito ay ang magmahal. The best time to express our love for our loved ones and for everyone is now. Ipadama natin ang pagmamahal sa kanila hanggat buhay pa tayo.
Sa ating Mabuting Balita ngayon, sinabi ng Panginoong Hesukristo sa kanyang mga alagad: ”Tandaan ninyo ito: kung alam lamang ng puno ng sambahayan kung anong oras darating ang magnanakaw hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay. Kayo ma’y dapat humanda, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan.”
Mga kapanalig, maaring masabi rin natin ang sinabi ng isang alipin sa talinhaga ngayon: ”…Matatagalan pa bago magbalik ang aking Panginoon.” Kaya OK lang, baka next year na ako magpapatawad, o kaya next month na lang ako makikipag-ayos sa aking mga kapatid, o kaya bukas ko na lang bibisitahin ang aking mga magulang.
Mga kapanalig, paano kung wala ng next year o wala ng bukas? Tandaan natin ang sinabi ni Hesus: maging handa sapagkat hindi natin alam ang oras na darating ang Anak ng Tao. Walang ”rewind’ sa kabilang buhay. Kaya naman hangga’t namumulat pa natin ang ating mga mata, hangga’t nakakayakap pa ang ating mga braso, at nakapagbibigkas pa ang ating mga bibig ng ”mahal kita,” gawin na natin ito ngayon.
- Fr. Sebastian Gadia, ssp l Society of St. Paul