Ebanghelyo: Lucas 6, 12-19
Umakyat si Hesus sa bundok upang manalangin at magpalipas ng magdamag sa pagdarasal sa Diyos. Nang mag-uumaga na, tinawag niya ang mga alagad at pumili siya ng labindalawa sa kanila na tinawag niyang apostol: Si Simon na pinangalanan niyang Pedro, si Andres na kapatid nito: si Jaime, si Juan, si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, si Simon na tinataguriang Zelota, si Judas na kamag-anak ni Jaime, at si Judas Iskariote na naging tagapagkanulo. Pagkababa kasama nila tumigil si Hesus sa isang patag na lugar. Naroon ang maraming alagad niya at napakarami ring tao mula sa buong Judea at Jerusalem at mula sa baybayin ng dako ng Tiro at Sidon ang dumating para makinig sa kanya at mapagaling mula sa kanilang mga karamdaman. Gumaling din ang pinahihirapan ng masasamang Espiritu, kaya sinikap ng lahat ng tao na mahipo siya dahil may kapangyarihang lumalabas sa kanya, na nagpapagaling sa lahat.
Pagninilay:
Tukayo. Ito ang isang salitang kailan ko lang nalaman. Ibig sabihin, may dalawang taong magkaparehas ng pangalan. Ngayong araw ipininagdiriwang natin ang katukayo sa mga alagad ni Hesus. Ang dalawang Simon at ang dalawang Judas. Si Simon na naging Pedro at si Simon ang Makabayan. Si Judas Iscariote na nagtaksil kay Hesus at si Judas Tadeo o anak ni Santiago. At sa kadahilanang ito marahil kaya hindi masyadong kilala ang dalawang apostol na ipinagdiriwang natin. Lalo at higit si San Judas na sinasabing walang masyadong nananalangin sa takot na ibang Judas ang kanilang mapagdasalan. Kaya siya itinuturing na Patron ng mga walang pag-asa o hopeless cases.
Sa kaugaliang Hudyo, kakaiba ang ating narinig sa Ebanghelyo ngayon. Karaniwang ang mga disipulo ang pumipili ng kanilang susundan na guro or rabbi. Subalit dito, si Hesus mismo ang pumili at tumawag sa kanilang pangalan. At hinirang ang labin-dalawang apostol na kakatawan sa bagong tribo ng Israel. Subalit kung ating titingnan, kakaiba ang mga napili ni Hesus. Makikita agad sa kanilang pagkakakilanlan ang mga kakaibang personalidad nila. Katulad ni Simon na zealot o makabayan. Kung sa ating panahon pa, baka ma-red tag si Simon dahil sa kanyang ipinaglalaban.
Subalit sila ang pinili at pinangalanan ni Hesus. Kabilang na sila kay Hesus. At sila ang ipapadala ni Hesus upang maghatid ng kanyang Mabuting Balita at magpatuloy ng itatayo niyang Simbahan. Tayo rin ay pinapangalanan at pinipili ni Hesus para sa isang misyon. Nawa ay makatugon tayo at maging tapat na disipulo ni Kristo.
– Fr. Keiv Dimatatac, ssp l Society of St. Paul