Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Oktubre 29, 2025 – Miyerkules, Ika-30 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Ebanghelyo: Lucas 13, 22-30

Pagninilay:

Gaano ka kakilala ng ating Hesus Maestro? Feeling mo ba close ka sa Kanya tulad sa Mabuting Balita? May mga kumatok sa pintuan ng langit. May dalang resume ng tagumpay. May listahan ng ministry, ng outreach, ng dami ng pagluhod sa pagdarasal. Pero ang sagot ni Hesus: “Hindi ko kayo kilala.” Ang sakit noon, ah? Paano’ng hindi ka Niya kilala, eh nilikha ka Niyang kawangis at kalarawan? Ang sagot? Dahil ang pagkakilala ay higit pa sa biodata. Kundi kung gaano mo hinayaang makapasok sa buhay mo ang ating Hesus Maestro. Kilala ka ba Niya sa galit mong itinatago? Sa sugat na pilit mong tinatakpan ng “okay lang ako”? Kilala ka ba Niya sa mga gabi ng katahimikan na buntong-hininga lang ang alam mong dasal? Kasi kung totoo ang relasyon, walang verification. Walang “prove you’re not a robot.” Walang “send code to your email.” ‘Pag lumapit ka, hindi Siya naghahanap ng ID. Alam Niya ang tibok ng puso mo. Hindi ang dami ng recognition plaque o resume ng tagumpay ang hanap ng ating Hesus Maestro. Kundi kung gaano mo Siya kamahal at kung gaano mo hinayaang mahalin ka Niya. 

  • Sr. Gemmaria Dela Cruz, fsp l Society of St. Paul