Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Oktubre 31, 2025 – Biyernes, Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Ebanghelyo: Lucas 14, 1-6

Isang Araw ng Pahinga, pumasok si Hesus sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo para kumain, at minamanmanan naman nila siya. Nasa harap niya roon ang isang taong minamanas kaya nagtanong si Hesus sa mga guro ng Batas at mga Pariseo: “Puwede bang magpagaling sa Araw ng Pahinga o hindi?” Hindi sila umimik kaya hinawakan ni Hesus ang maysakit, pinagaling ito at saka pinauwi. Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila: “Kung mahulog sa balon ang anak o ang baka ng isa sa inyo, di ba’t agad niya itong iniaahon kahit na Araw ng Pahinga?” At hindi nila siya nasagot.

Pagninilay:

Mga PINYA! Ito ang nais kong itawag sa mga Pariseo at mga dalubhasa sa batas na nagmamasid kay Hesus. Maraming matang nagmamasid at nag-aabang na magkamali si Hesus upang may maisakdal sila laban sa kanya. Narinig natin sa Mabuting Balita ngayon sa verse 1, “At siya ay pinagmamasdan nila” (v.1). Kaya lang nang tanungin sila ni Hesus kung, “Bawal ba ang magpagaling sa araw ng Sabat,” (v. 3) ayaw nilang sumagot. Kasi alam nila na kahit kailan, hindi masama ang gumawa ng kabutihan sa kapwa lalo na kung magpapalaya ito sa kanya sa isang karamdaman. Nahayag dito na hindi pagpapalaganap ng katotohanan at kabutihan ang dahilan ng kanilang pagma-masid kundi hanapan ng butas ang mga ginagawa ni Hesus upang sirain siya. Kapanalig, hindi naman masama ang maging pinya lalo na kung ang babantayan natin ay ang mga hayagang katiwalian sa ating pamahalaan at pamayanan. Nagiging masama ito kung ang layunin ng pagmamasid ay sirain ang dignidad at buhay ng kapwa. Kailangan natin ng maraming mata na magbabantay sa mga proyekto ng pamahalaan sa ating pamayanan. Dahil kung substandard ang quality nito, tayo rin ang maaapektuhan. Pero, hindi sapat ang magmasid lamang. Kailangan din ang boses upang ipahayag ang mga katiwaliang namamasdan natin sa ating bansa at kapaligiran. Kung mananahimik lamang tayo at hindi maninindigan sa tama at katotohanan, sayang naman ang mga matang ibinigay sa atin ng Diyos. Gamitin sana natin ang ating mga mata upang bantayan ang bawat isa nang hindi tayo mabaon sa kumunoy ng kasalanan at katiwalian.

  • Sr. Lourdes Ranara, fsp l Daughters of St. Paul