Daughters of Saint Paul

Disyembre 29, 2016 – HUWEBES Oktaba ng Pasko / Santo Tomas Becket

Lk 2:22-35

Nang dumating na ang araw ng paglilinis nila ayon sa Batas ni Moises, dinala nina Jose at Maria ang sanggol na si Jesus sa Jerusalem para iharap sa Panginoon—tulad ng nakasulat sa Batas ng Panginoon. Dapat din silang mag-alay ng sakripisyo tulad ng binanggit sa Batas ng Panginoon: isang pares ng batubatu o dalawang inakay na kalapati.

         Ngayon, sa Jerusakem may isang taong nagngangalang Simeon; totoong matuwid at makadiyos ang taong iyon… ipinaalam naman ng Espiritu Santo na hindi siya mamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Miseyas ng Panginoon. Kaya pumunta siya sa templo sa pagtutulak ng Espiritu, nang dalhin nang mga magulang ang batang Jesus para matupad ang kaugaliang naaayon sa Batas tungkol sa kanya.

         Kinalong siya ni Simoen sa kanyang braso at pinuri ang Diyos at sinabi:

   “Mapapayaon mo ang iyong utusan, Panginoon, nang may kapayapaan ayon sa iyong wika; pagkat nakita na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas na inihanda mo sa paningin ng lahat ng bansa, ang liwanag na ibubunyag mo sa bansang pagano at luwalhati sa bayang Israel.”

           Nagtataka ang ama at ina ng bata sa mga sinabi tungkol sa kanya. Pinagpala naman sila ni Simeon at sinabi kay Mariang ina ng bata: “Dahil sa kanya, babagsak o babangon ang mga Israelita at maging tanda siya sa harap nila at kanilang sasalungatin. Kaya mahahayag ang lihim sa pag-iisip ng mga tao. Ngunit paglalagusan naman ng isang punyal ang puso mo.”

PAGNINILAY

Simula pa sa Lumang Tipan, ang mga Hudyo’y naghihintay na sa pagdating ng Mesiyas – ang haring inaasahan nilang magtatanggol at magpapalaya sa kanilang kaapihan. Isa si Simeon sa mga Hudyong ito.  Isa siyang matandang propeta na naglilingkod sa templo sa kanyang buong buhay. Bilang Hudyo, isa lamang ang kanyang panalangin: ang masilayan ng kanyang mga mata ang kaganapan ng kaligtasan bago siya pumanaw. Kaya lubos ang kanyang kasiyahan nang makita ang sanggol na inialay nina Maria at Jose sa Templo. Dahil nakita na niya ang pangakong pagliligtas.  Mga kapatid, bilang mga Kristiyano, inaanyayahan din tayong matularan si Simeon. Walang ibang hinahangad kundi ang masilayan ang Panginoon sa ating kapwa at sa mga ordinaryong mga pangyayari sa ating pang- araw-araw na buhay.  Manalangin tayo, “Panginoon, katulad ni Simeon, buksan Mo po ang aking puso nang lagi kong maramdaman ang iyong banal na presensya. Tulungan Mo po akong maging matatag sa aking pananampalataya sa Iyo. Amen.”