Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Nobyembre 2, 2025 – Linggo, Paggunita sa Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano

Ebanghelyo: Mateo 25:31-46

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Pagdating ng Anak ng Tao sa kanyang Kaluwalhatian kasama ang lahat niyang mga anghel, uupo siya sa maluwalhati niyang trono.  Dadalhin sa harap niya ang lahat ng bansa at parang isang pastol na inihihiwalay niya ang mga tupa sa mga kambing, gayundin niya paghihiwalayin ang mga tao.  Ilalagay niya ang mga tupa sa kanan niya at ang mga kambing sa kaliwa. Sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya:  ‘halikayo, pinagpala ng aking Ama!

Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa sa simula ng daigdig. Sapagkat nagugutom ako at inyong pinakain, nauuhaw ako at inyong pinainom.  Naging dayuhan ako at pinatuloy ninyo ako. Nang akoy hubad dinamitan ninyo ako.  nang may sakit ako, binisita ninyo ako.  Nang ako’y nasa bilangguan, dinalaw ninyo ako.’ “At itatanong sa kanya ng mabubuti; ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom at pinakain, nauuhaw at pinainom, isang dayuhan at pinatuloy, at walang suot at dinamitan, kailan ka namin nakitang maysakit o nasa bilangguan at nilapitan?  Sasagutin sila ng Hari:  ”Talagang sinasabi ko sa inyo:  anuman ang gawin ninyo sa isa sa maliliit na ito na mga kapatid ko, sa akin ninyo ginawa.’ Pagkatapos ay sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa niya:  ‘Mga isinumpa, umayas kayo sa harap ko, papunta sa apoy na walang katapusan na inihanda para sa dyablo at sa mga anghel nito. Sapagkat nagutom ako at hindi ninyo binigyan ng makakain, nauhaw at hindi ninyo ako pinainum, naging dayuhan at hindi ninyo pinatuloy, maysakit at nasa bilangguan at di n’yo binisita.’ “Kaya itatanong din nila:  ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom, nauuhaw, dayuhan, hubad, may sakit o nakabilanggo at di namin pinaglingkuran?  Sasagutin sila ng Hari:  ‘Talagang sinasabi ko sa inyo:  anuman ang di n’yo ginawa sa isa sa maliliit na ito, hindi n’yo ginawa sa akin.’ “At pupunta ang mga ito sa walang hanggang parusa, ngunit sa walang hanggang buhay naman ang mga makatarungan.”

Pagninilay:

Kahapon ipinagdiwang natin ang lahat ng mga banal sa langit. Nakakatulong ang mga santo para tayo ay bigyan ng inspirasyon at gabay. Pero ang mas mahalagang mensahe nito sa atin ay para alalahanin ang mga kaluluwang papunta pa lamang doon.  Nariyan ang mga yumao, na inihahanda at nililinis ng pag-ibig ng Diyos sa purgatoryo, upang sa pamamagitan nito ay maging nararapat sila sa langit. Sa ating pagdarasal, tinutulungan nating mapabilis ang prosesong ito. Pero ang Araw ng mga Kaluluwa ay hindi lang para sa mga kaluluwang pumanaw. Paalala rin ito para sa mga kaluluwa natin: para pukawin ang ating mga puso at diwa para paghandaan ang ating takdang panahon. Sa Mabuting Balita, ipinapaalala ni Jesus na darating ang araw ng paghuhukom, kung kailan ang tanging tanong ay: “Nagmahal ka ba?” Alam na natin ito—paulit-ulit na nating naririnig—pero madalas, parang hindi natin dinadama. Mas abala tayo sa mga bagay na lilipas, kesa sa mga bagay na mananatili. Mas sinusukat natin ang buhay sa tagumpay sa lupa, kaysa sa kabutihang dadalhin natin sa langit. Gising, mga! Ang buhay na ito ay isang iglap lang, pero kung paano natin ginugol ang iglap na ito ay magtatakda ng ating walang hanggan. At kung tunay nating pinaniniwalaan iyon, bakit parang wala tayong gana sa pagbabago? Bakit parang hindi tayo nagmamadali sa paggawa ng mabuti, sa pagpapatawad, sa pagbabalik-loob sa Diyos? Habang may oras pa, yakapin natin ang pagkakataon: magmahal, magpatawad, at tumulong. Hindi dahil takot tayo sa hatol, kundi dahil gusto nating masanay sa langit—sa kahariang pag-ibig lang ang nananahan

  • Fr. Albert Garong, ssp l Society of St. Paul