Ebanghelyo: Lucas 14:12-14
Sinabi ni Hesus sa Puno ng mga Pariseo na nag-anyaya sa kanya. “Kung mag hahanda ka ng tanghalian o hapunan, huwag mga kaibigan mo o mga kapatid mo o mga kamag-anak o mayayamang kapitbahay ang iyong kumbidahin baka kumbidahin ka rin nila at susuklian ka, kung mag-hahanda ka, mga dukha, mga baliwala, mga pilay, at mga bulag ang kumbidahin mo, at magiging mapalad ka dahil hindi ka nila masusuklian, ngunit sa pagkabuhay ng mga mabuti ka susuklian
Pagninilay:
Kilala ba ninyo si Martin de Porres? Isinilang siya sa Lima, Peru, at lumaki sa karukhaan at pagtitiis. Pumasok si Martin bilang hermano sa Orden ng mga paring Dominico. Iniatang sa kanya ang mabababang gawain sa kumbento katulad ng paglilinis, pagluluto, paglalaba at pag-aalaga sa mga may-sakit. Sa pagtupad sa mga tungkuling ito, naipamalas niya ang kanyang kababaang loob at wagas na pag-ibig sa Diyos. Simple lang siya at kahit maraming pinagdaanang hirap sa buhay, naging inspirasyon siya sa marami dahil sa kanyang kababaang-loob at pagmamahal sa kapwa. Nakilala siya sa pagiging mapagbigay, lalo na sa mga dukha at mga kinalimutan ng lipunan.
Sa Mabuting Balita ngayon, sinabi ni Jesus na kapag nag-anyaya ka ng salu-salo, huwag mo lang imbitahan yung mga kakilala mo at makakatulong sa’yo, kundi yung mga taong nangangailangan – yung mga walang makain, mga ulila, at mga kapos sa buhay. Ang gandang paalala, di ba? Parang sinasabi: huwag maging makasarili sa pagtulong. Huwag lang magbigay sa mga taong makikinabang ka rin. Magbigay ka kahit walang kapalit o wala kang maaasahan.
Kung titingnan natin ang buhay ni Martin de Porres, makikita natin kung gaano siya kahalaga dahil sa simpleng ginawa niya: pagtulong na walang hinihinging kapalit. Iba ‘yung ganoong klaseng pagmamahal – genuine. Kaya mga kapatid, sikapin nating maging tulad ni San Martin sa araw-araw, kahit sa simpleng bagay lang. Mag-invite tayo sa mga “maliit” o hindi napapansin sa paligid natin – yung nangangailangan ng atensyon, ng tulong, ng kaibigan. Kasi sa dami ng problema natin, minsan isang simpleng kindness lang – na galing sa puso – ang kailangan ng iba.
Ano sa tingin n’yo? Ready na ba kayong maging inspirasyon tulad ni Martin de Porres?
- Sr. Rose Agtarap, fsp l Daughters of St. Paul