Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Nobyembre 4, 2025- Martes, Paggunita kay San Carlos Borromeo, obispo

Ebanghelyo: Lucas 14:15-24

Sinabi kay Hesus ng isa sa mga inanyayahan: “Mapalad ang mga makakasalo sa bangkete ng Kaharian ng Diyos!” Sumagot si Hesus: “May isang taong naghanda ng isang malaking bangkete at marami siyang kinumbida. Sa oras ng handaan, pinapunta niya ang kanyang katulong para sabihin sa mga imbitado: ‘Tayo na’t handa na ang lahat. Ngunit parang sabay-sabay namang nagdahilan ang lahat. Sinabi ng una. ‘Bumili ako ng bukid at kailangan kong pumunta para tingnan iyon. Pasensya ka na.’ Sinabi naman ng isa. ‘Bumili ako ng limang pares na bakang pang-araro at pasusubukan ko ang mga ito. Pasensya ka na.’ Sinabi ng isa pa: ‘Bagong kasal ako kaya hindi ako makapupunta.’Pagbalik ng katulong, ibinalita niya ang lahat ng ito sa kanyang panginoon. Galit na galit ang maysambahayanan at sinabi sa kanyang katulong: ‘Pumunta ka agad sa mga liwasan at mga lansangan ng lunsod at papasukin mo rito ang mga dukha, mga balewala, mga bulag at mga pilay.’ At pagkatapos ay sinabi ng katulong: ‘Nagawa na po ang ipinag-uutos mo at may lugar pa rin.’ Sumagot sa kanya ang panginoon: ‘Lumabas ka sa mga daan at mga bakuran at pilitin mong pumasok ang mga tao para mapuno ang bahay ko.’ Sapagkat sinasabi ko sa inyo: walang sinuman sa mga ginoong iyon na kinumbida ko ang makakatikim ng aking handa.’” 

Pagninilay:

Ibinahagi po ni Sr. Lourdes Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Sino ba naman ang aayaw na makasalo ang Panginoon? Imbitado tayong lahat ng Diyos na pumasok at makiisa sa kanyang piging. Subalit gaya ng salaysay ni Jesus sa Mabuting Balita ngayon, kadalasang may conflict ito sa iba nating priorities sa buhay. Narinig natin kanina na may bumili ng lupa at mga baka. Meron pang bagong kasal. Kadalasan ang paanyaya ni Jesus ay nangangailangan ng renunciation kaya susubukin nito kung alin ba talaga ang higit na matimbang sa ating puso. Kapatid, inihalintulad sa paanyayang ito ang pagpasok sa kaharian ng Diyos. Para ito sa lahat, walang pinipili, walang sinisino. Nasa taong inimbitahan na ang pagpapasya kung bibigyan niya ito ng panahon at gagawin itong priority sa buhay. Isang malaking karangalan sa atin ang makapasok sa kaharian ng langit pero meron itong katapat na obligasyon. Naalala ko ang kwento ng isang nanay ng madre na nagtatrabaho dati sa isang ahensya ng pamahalaan na talamak ang corruption. Minsan daw may makapal na envelop na naglalaman ng pera ang inihatid sa bahay nila kapalit ng isang pabor na hinihingi sa kanya. Malaking tulong na sana iyon sa kanilang pang-araw-araw na gastusin at sa pag-aaral ng kanyang mga anak. Pero dahil alam niyang mali, hindi niya ito tinanggap. Kapatid, ikaw alin ang pipiliin mo? Ang kayamanan o dangal at katapatan?

  • Sr. Lourdes Ranara, fsp l Daughters of St. Paul