Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Nobyembre 7, 2025 – Biyernes ng Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Ebanghelyo: Lucas 16:1-8

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “May katiwala ang isang mayaman, at isinumbong sa kanya na nilulustay ng katiwala ang kanyang kayamanan. Ipinatawag niya ito at sinabi sa kanya: ‘Ano itong naririnig ko tungkol sa iyo? Magsulit ka sa akin ng iyong pangangasiwa dahil hindi ka na makapangangasiwa.’ At inisip ng katiwala: ‘Tatanggalin ako ngayon sa pangangasiwa ng aking panginoon. Ano ang gagawain ko? Kulang ako ng lakas para magbungkal ng lupa, nahihiya naman akong magpalimos. Ah, alam ko na ang gagawin ko. At pagkatanggal sa akin sa pangangasiwa, may mga magpapatuloy sa akin sa kanilang mga bahay.’ Kaya tinawag niyang isa-isa ang mga may –utang sa kanya ng panginoon. Tinanong niya ang una: ‘Magkano ang utang mo sa aking panginoon?’ Sumagot ito: ‘Sandaang galon ng langis.’ Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang iyong resibo mo, maupo ka agad at isulat mo: Limampu.’ Tinanong naman niya ang ikalawa: ‘At ikaw, magkano ang utang mo?’ Sumagot siya: ‘Sanlibong takal ng trigo.’ Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang iyong resibo at isulat mo: ‘Walundaan.’ Hinangaan ng panginoon ang matalinong paggawa ng di matuwid na katiwala. Mas matalino nga ang mga taong makamundo sa pakikitungo sa mga gaya nila kaysa mga tao ng liwanag.”

Pagninilay:

Ibinahagi po ni Sr. Vangie Canag ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Nagkwento si Jesus tungkol sa isang mandaraya. At the end, pinuri pa siya ng kanyang amo! Bakit? Hindi dahil sa pandaraya, pero dahil sa “diskarte” niya.” Nakita natin ‘to ngayon, ‘di ba? May mga taong gagamit ng kahit anong paraan: panloloko, pagsisinungaling, pang-aapi, para lang yumaman. Maganda ang hangad: magkaroon ng secure na future. Pero dahil dito, naglingkod na pala sila sa kasakiman.

“Hindi ka maaaring maglingkod sa Diyos at sa salapi,” sabi ni Jesus. Ang magpaka-layaw sa luho habang marami ang naghihirap ay pagsamba sa salapipera. Sabi ni Pope Francis, kasalanan ang magbingi-bingihan sa hinaing ng mahihirap kung kaya mong tumulong. Kapatid, lahat ng bagay ay pag-aari ng Diyos. Mga katiwala lang tayo. Oo, dapat tayong maging masipag at matalino para sa kinabukasan natin. Pero magtiwala tayo sa Diyos na siyang magproprovide. At dahil temporary lang ang mundo, mas importante ang eternal future natin! Kaya kapatid, tanungin natin ang ating sarili: Paano ko inihahanda ang aking eternal future? Paano ko ipinapakita na tunay na lingkod ako ng Diyos? Ano ang ibinabahagi ko sa aking kapwa—materyal man ito o espiritwal?

  • Sr. Vangie Canag, fsp l Daughters of St. Paul