Ebanghelyo: Lucas 15:1-10
Lumapit kay Hesus ang lahat ng kolektor ng buwis at mga makasalanan para makinig. Kaya nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga guro ng Batas: “Tinatanggap niya ang mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” Kaya sinabi ni Hesus ang talinhagang ito sa kanila: “Kung may sandaang tupa ang isa sa inyo at mawala ang isa sa mga ito, hindi baga niya iiwan ang siyampu’t siyam sa ilang para hanapin ang nawawala hanggang matagpuan niya ito. At pag-natagpuan ito’y masaya niya itong pinapasan sa balikat, at pagdating sa bahay ay tatawagin niya ang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila: ‘Matuwa kayo, kasama ko sapagkat natagpuan ko na ang nawawala kong tupa.’ Sinasabi ko sa inyo: magkaroon din ng higit na kagalakan sa Langit para sa isang makasalanang nagsisisi kaysa siyampu’t siyam na matuwid na di nangangailangan ng pagsisisi. Kung may sampung barya ng pilak ang isang babae at nawala ang isa sa mga ito, hindi ba siya magsisindi ng ilaw, magwawalis sa bahay at hahanaping mabuti hanggang matagpuan ito? At pagkakita nitoý tatawagin ang mga kaibigang babae at mga kapitbahay: ‘Matuwa kayo mga kasama ko sapagkat natagpuan ko ang nawawala kong baryang pilak.’ Sinasabi ko sa inyo na ganito rin sa mga anghel ng Diyos, magkakaroon ng kagalakan para sa isang makasalanang nagsisisi.”
Pagninilay:
Mula sa panulat ni Sr. Deedee Alarcon ng Daughters of St. Paul ang ating pagninilay. Sa Mabuting Balita ngayon, ikinuwento ni Jesus ang dalawang talinhaga: ang pastol na nag-iwan ng siyamnapu’t siyam na tupa upang hanapin ang isang nawawala; at ang babae na masinsing naghanap ng isang pirasong salapi hanggang matagpuan ito. Sa parehong kwento, hindi tumigil ang paghahanap hanggang matagpuan ang nawala – at nagkaroon ng malaking kagalakan. Ipinapakita ni Jesus kung gaano kahalaga ng bawat isa sa atin sa mata ng Diyos. Sa mundong madalas sukatin ang halaga ayon sa pera, posisyon, o tagumpay, malinaw ang mensahe: kahit isa, kahit maliit, kahit tila walang halaga sa lipunan, mahalaga tayo sa Panginoon. Hindi ninais ng Diyos na kahit isa sa atin ang mawala. Sa panahon ngayon, marami ang “nawawala.” Mga kabataang nalululong sa bisyo at napapariwara, mga magulang na napapagod at nadidismaya, manggagawang nawawalan ng pag-asa, estudyanteng naliligaw ng landas, o matatandang nalulungkot sa pag-iisa. Sa iba’t ibang yugto ng buhay, lahat tayo’y nakararanas na parang wala tayong halaga. Ngunit ipinapaalala ni Jesus: hinahanap ka, mahalaga ka, at ikinagagalak ng Diyos na matagpuan ka.
Hindi lang ang Diyos ang naghahanap. Tinatawag rin tayong maging katuwang Niya sa paghahanap. Mga kapatid, huwag tayong mawalan ng pag-asa sa sarili at sa iba. Kung ang Diyos hindi sumusuko sa atin, bakit tayo susuko? Anuman ang estado natin sa buhay, tanggapin natin ito at magpasalamat, dahil mahalaga tayo sa Panginoon. Nawa’y tumulong din tayong matagpuan ang iba. Sa ganoon, makikibahagi tayo sa tunay na kagalakan ng langit.
- Sr. Deedee Alarcon, fsp l Daughters of St. Paul